Pero dahil mahirap lang sila, nangangamba si Mang Baste na magiging masalimuot ang landas na tatahakin nila para makakuha ng hustisya ang kanyang anak na si Gilbert dahil na rin sa paniwalang may nasa likod ng naganap na krimen na maimpluwensiya.
Si Gilbert ay nakakulong sa Rizal Provincial Jail sa Taytay sa kasong illegal possession of a deadly weapon. Habang pauwi sila galing sa hearing sa Antipolo City noong Agosto 20, nakahulagpos umano si Gilbert sa kanyang posas, tumalon sa sasakyan at pinilit na makatakas sa isang lugar sa Barangay dela Paz.
Ang dalawang jail guards ay nakikita ng pamilyang Roda na pagala-gala at hindi maintindihan kung bakit hindi sila nakakulong.
Isang testigo na si Richard Nopies, na isang preso rin, ang nagsabing kasama siya ng biktima sa loob ng jail van ng humulagpos ito sa posas niya. Sinipa umano ni Gilbert ang pintuan, tumalon at kumaripas ng takbo. Hinabol ng dalawang jail guards si Gilbert at nag-warning shot subalit patuloy sa pagtakbo si Gilbert. Sa takot na tuluyang makatakas si Gilbert pinaputukan siya ng mga jail guards. Nagtamo siya ng tama sa likod at sa kanyang paa at dinala sa Unciano Medical Center kung saan siya namatay.
Pero may lumapit naman na testigo kay Mang Baste at sinabing si Gilbert ay isinalvage. Sinabi ng testigo na si Gilbert ay kusang inilabas ng dalawang jail guards sa sasakyan, inutusan na damputin ang isang bagay malapit sa bakod ng isang bakanteng lote at pinagbabaril.
Ang kuntensiyon ni Mang Baste, bakit tatakas ang kanyang anak eh illegal possession lamang ang kaso niya. Eh, konting panahon lang makalalaya na siya. Ang ipinagtataka pa ni Mang Baste, bakit ang dalawang jail guards ay nakaupo sa front seat samantalang ang dapat ay may isa sa kanila na nakaupo sa hulihan para samahan ang mga preso at mapigil kung may balak man silang pumuga nga? Sa report ng pulisya, nakasaad doon na ayaw magpa-paraffin test ng dalawang jail guards. Bakit? May itinatago ba sila?
Marami pang katanungan si Mang Baste subalit kung wala siyang makuhang magaling na abogado, sigurado akong walang patutunguhan ang adhikain niyang magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ni Gilbert.