Pero ako, natutuwa kay Devnani. At wala itong kinalaman sa kaso ni Erap. Gusto ko yung mabuting aral na lumalabas sa kuwento niya.
Ayon kay Devnani, matinong tao siya noon. Masipag at matuwid magnegosyo. Mapagmanal sa pamilya. Umiiwas sa alak at sa gulo. Pero napabarkada siya kay Atong Ang na bata ni Erap. Sumali sa grupong nagsusugal, nag-iinuman at nambababae gabi-gabi sa Club 419 sa San Juan nung 1994. Napalapit sa mga pusakal. Nakiisa sa kanilang dumi.
Tinuruan daw siya ni Atong magsugal. Nung una, maliitan lang kung pumusta. Tapos, hinila na sa casino. Naging high-roller. Pamilyun-milyon na kung tumaya. Yung dating iniinom na beer lang paminsan-minsan, napalitan ng Johnny Walker Blue scotch whisky na tig-P10,000 isang bote at Chateu Petrous red wine na tig-P55,000. Nagiba ang negosyong garments na datiy nagneneto ng $20 milyon isang taon. Napalayo sa pamilya. Napalapit sa demonyo.
Buti sana kung bisyo lang. Nadamay pa siya sa krimen. Sa harap niya nagpaplano ang grupo ng pagkidnap ng mayayamang Intsik at Bumbay. Minsan, kinidnap ang kapatid ng kaibigan niyang negosyante. Ginawa siyang negotiator ni Atong. Napabayad nila ng P27 milyon.
May tatlong leksiyon na mapupulot sa kuwento ni Devnani. Una, kung matuto ka ng isang bisyo, halimbawa sugal, mauuwi sa iba pang bisyo tulad ng alak at babae. Ikalawa, kaya ng kahit sinong pusakal na magbagong buhay at iwaksi ang kasamaan. Ikatlo, nagiging lubos lang ang pagtalikod ng pusakal sa bisyo at krimen kung aaminin niya sa mga nasaktan at nabiktima kung ano ang pagkakasala niya.
Lahat tayo may pagkakamalit pagkakasala, miski hindi kasingbigat ng kay Devnani. Pero kaya pa nating magbago.