Kung paniniwalaan ang sinabi ni Rosebud na ang Camp Crame ay naging sentro ng droga noong 1998 hanggang 2000, tiyak hindi lamang iilan kundi maraming pulis ang sangkot dito. Sa pagpapakalat na lamang ng shabu sa lansangan ay maraming pulis ang kinakailangan upang maipasa sa mga maliliit na drug pushers. Ang masamang gawaing ito ay hindi maaaring malingid sa mga mabubuting pulis. Humigit-kumulang alam nila ang mga nangyayari kaya lamang, hindi sila makapagsalita sapagkat maaaring manganib ang kanilang buhay.
Mabigat kalaban ang mga matataas na opisyal ng PNP na ayon kay Rosebud ay pinangunahan pa noon ni Sen. Panfilo Lacson na dating chief ng PNP at nang binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF). Isinangkot din ni Rosebud si dating Nargroup chief Director Reynaldo Acop, Supt. Francisco Villaroman at iba pa.
Nararapat nang lumabas at magsalita ang mga walang uling na pulis at opisyal upang matulungan nilang maibalik ang nawalang imahe ng PNP. Ang PNP ay may kabuuang 115,000 miyembro. Nang sumabog ang mga alegasyon ni Rosebud, nasaktan umano ang mga miyembro ng PNP. Labis umano silang naapektuhan ng mga alegasyon. Sinabi ni Rosebud na ang inuorder na droga sa China ay dinadala dito sa Pilipinas at itinutuloy naman sa Camp Crame at ipinagbibili sa mga nakakulong na Chinese national.
Sa palagay namin, isang mabisang panggising ang mga alegasyon ni Rosebud para matauhan ang iba pang miyembro ng PNP sa kasamaang idinudulot ng droga. Isiwalat nila ang kanilang nalalaman sa malawakang drug trafficking. Kung hindi kikilos ang mga natitira pang mabubuting pulis, paano pa makababangon ang organisasyon. Ang solusyon kung paano maibabalik ang nawalang moral sa PNP ay nasa miyembro na rin. Tumulong silang mahuli at madurog ang mga "bugok" sa PNP na nakikipagkutsaba sa mga drug traffickers.