Siyempre, abot-abot ang pagtanggi ni Wong sa mga paratang nina Col. Victor Corpus, Ador Mawanay at dating interior secretary Fred Lim na siyay big-time drug lord. Pero sa matinding pagtatanong ng mga senador, marami siyang ibang krimen na di-sinasadyang inako. Kaya hayon, huli.
Una, pinagmalaki ni Wong na bilang negosyante, niregaluhan niya ng tatlong cellphone si Lacson nung PNP at PAOCTF chief pa ito. Hindi lang yon. Inutusan pa raw niya si Mrs. Wong na bayaran ang buwanang phone bills ni Lacson. Paglabag ito sa Revised Penal Code, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. Bawal sa tatlong batas ang pagreregalo ng malalaking halaga sa mga taga-gobyerno. Siyempre, bawal din tumanggap ng malalaking regalo ang mga opisyal. Kayat isinabit bale ni Wong ang sarili at si Lacson. Mahigit tig-P5,000 pa naman ang bawat cellphone, di pa kasama ang buwanang bills sa numbers 0918-9007171, 0918-9007777 at 0918-9717171.
Ikalawa, inamin ni Wong na bagamat Chinese citizen siya, nag-contribute siya ng t-shirts at streamers sa election campaigns nina Lim, Lacson at Manila Mayor Lito Atienza. Sabit siya sa ilalim ng Omnibus Election Code, na nagbabawal sa mga dayuhan na makilahok sa kampanya sa ano mang paraan, lalo na sa contributions in cash or in kind. Kulong at deportation ang parusa rito.
Naalala ko tuloy ang ginawa ng matapang na prosecutor Eliot Ness kay Mafia ganglord Al Capone sa US nung 1920s. Hindi niya mahuli-huli ang madulas na alyas Scarface sa mga kasong droga at pagpatay. Pero napakanta niya ang accountant ni Capone. Napa-amin niya sa mga ilegal na kita ng Mafia. Naipakulong niya si Capone di sa kasong drug-trafficking kundi sa tax evasion. Ayos!