^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Kawawang mga estudyante

-
Kapag panahon ng bagyo, tag-ulan o tag-baha ay kawawa ang mga estudyante. Sinasagasa ang ulan, nabababad sa baha, nahuhulog sa imburnal at naiipit sa trapik. Ganito taun-taon ang kanilang nararanasan sapagkat hindi naman pumapalya sa pagdaan at paghagupit ang bagyo lalo na kung mga buwan ng Hunyo hanggang Agosto. Pero maaari namang makaiwas sa pagsuong sa bagyo at pagkababad sa tubig-baha ang mga estudyante kung may mahusay at tiyak na pagpapasya ang Department of Education (Dep-Ed) na pinamumunuan ni Sec. Raul Roco. Pero sa mga nangyayari ngayong pananalasa ng ulan at baha tila malayo pang makagawa ng tiyak na hakbang ang Dep-Ed tungkol dito.

Magdamag na umulan noong Miyerkules ng gabi at nagdulot ng pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila. Subalit kinabukasan (Huwebes), hinayaan pa rin ng Dep-Ed na pumasok ang mga estudyante sa public at private schools sa kabila na may banta pa rin ng mga pag-ulan. Ilang mabababang lugar lamang sa Malabon, Valenzuela at Navotas ang sinuspinde ang klase dahil lubog na ang mga ito sa baha na pinalubha pa ng high tide.

Bumuhos muli ang ulan nang nasa school na ang mga estudyante. Nang magtanghali’y malaki na ang sakop ng baha sa Quezon City, Maynila, Caloocan at iba pang lugar. Saka pa lamang nagpasya ang Dep-Ed na suspindehin ang klase sa lahat ng level. Kung kailan baha na at patuloy pa ang bagsak ng ulan. Kailan nga ba matututo ang mga opisyal sa Dep-Ed?

Nagkabuhul-buhol ang trapik nang magdagsaan pauwi ang mga estudyante. Marami ang nahirapang makasakay. Ang ilan ay matapang na nilusong ang baha. Wala naman silang magawa. O kung may gawin man, baka hindi rin mapakinggan ng Dep-Ed.

Nagpalit na ng pangalan ang departamentong ito. Mula sa pangalang Department of Education, Culture and Sports (DECS) ay naging Department of Education (Dep-Ed) na. Mas maikli at tila may bigat sa pandinig. Pero kasabay sana ng pagbabago sa pangalan ay magkaroon din ng pagbabago sa kanilang sistema. Magkaroon sana ng tiyak na pagpapasya sa pag-aanunsiyo kung sususpindehin ang klase sa panahon ng pag-ulan at pagbaha. Huwag sanang urung-sulong sa ganitong mga delikadong panahon. Suspindehin na sa umaga pa lamang upang hindi na mahulog sa patibong ng ulan at baha ang mga kawawang estudyante.

Inaasahan naming bibigyang-pansin ito ni Secretary Roco.

BAHA

CULTURE AND SPORTS

DEP

DEP-ED

DEPARTMENT OF EDUCATION

METRO MANILA

PERO

QUEZON CITY

ULAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with