Ang tawag kay Natanael

Sa Ebanghelyo ni Juan. Natanael ang pangalang ibinigay kay Bartolome. Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng alagad na si San Bartolome. Isinalaysay ni Juan kung paano tinawag ni Jesus ang mga alagad, at ang bawat isang tinawag ay tumawag din ng iba pa. Tinawag ni Jesus si Felipe na nagsabi kay Natanael na natagpuan niya ang Mesias.

Ganito ang pagkasalaysay ni Juan (Jn. 1:45-51).

‘‘Hinanap ni Felipe si Natanael, at sinabi rito, ‘Natagpuan namin si Jesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose. Siya ang tinutukoy ni Moises sa kanyang sinulat sa Kautusan, at gayon din ng mga propeta.’ ‘‘May magmumula bang mabuti sa Nazaret?’’ tanong ni Natanael. Sumagot si Felipe, ‘Halika’t tingnan mo.’

‘‘Nang malapit na si Natanael ay sinabi ni Jesus, ‘Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya hindi magdaraya!’ Tinanong siya ni Natanael, ‘Paano ninyo ako nakilala?’ Sumagot si Jesus, ‘Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos. ‘Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!’ wika ni Natanael. Sinabi ni Jesus, ‘Nanampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakikita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!’’ At sinabi niya sa lahat, ‘Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!’’


Tila baga ang kuwento nang pagtawag sa mga alagad ni Jesus ay ang paraan ding patuloy na ginagamit ni Jesus sa kanyang pagtawag ng mga disipulo ngayon. Sa unahan ng Ebanghelyo, itinuro ni Juan Bautista sa kanyang dalawang tagasunod si Jesus bilang ‘‘Kordero ng Diyos." Ang dalawang ito’y nanatiling kasama ni Jesus sa loob ng ilang oras. Ang isa sa mga ito ay si Andres, ang kapatid ni Simon Pedro. Dinala niya ang kanyang kapatid kay Jesus.

Ang sarili kong bokasyon na maging isang Heswita ay may ganoon ding disenyo. Ako’y nasa ikatlong antas ng mataas na paaralan nang makatagpo ko ang mga Heswita sa Baguio. Isang Heswitang seminarista ang nagturo sa amin ng Tagalog. Dalawa o tatlong iba pa ang nakipaglaro sa amin ng basketbol. Isa sa kanila’y naging coach ng aming koponan. Bago pa noon, naisip ko nang maging isang pari. Kung kaya’t pagkatapos ng aking graduation sa mataas na paaralan, nagpasiya akong maging isang Heswita.

Ngayon, kaming mga Heswita ay mayroong Vocations Promotion Program. Ang mga kabataang kalalakihan na nagnanais makilala ang mga Heswita ay pinadadala ng naturang programa sa loob ng tatlong araw. Ang mga kabataang lalaking ito ay tinutulungang manalangin, mag-isip at kilatisin kung sila nga ba ay tinatawag na maging mga pari. Ang Vocation Director ay si Fr. Eric Eusebio, S.J. Siya ay matatagpuan sa 134 B. Gonzalez Street, Loyola Heights, Quezon City. Ang telepono nila ay: 929-4653; 433-8410.

Show comments