Malala na talaga ang problema sa droga. Apektado na ang lahat ng barangay at lahat ng pamilya, mayaman man o dukha. May 1.8 milyong addict sa shabu isa sa bawat 43 Pilipino. Sa isang family reunion ng 50 magkapatid, magpinsan, kasama ang mga anak, tiyak may isang addict. Hindi pa kabilang ang 3.5 milyong minsanan lang suminghot ng shabu.
Kahit saan puwedeng bumili ng shabu. Sa iskinita sa squatter area o sa burger joint, sa iskuwelahan o sa kampo ng pulis, tiyak may tulak. Ginagawang sideline ng mga hikahos, kasi malakit madaling kita. Kung datiy nag-aambagan ang apat na magkabarkada para bumili ng isang long neck, ngayon ay shabu na lang. Mas mura kasi, garantisado pa ang tama nang apat hanggang anim na oras. Wow, pare, ang bigat!
Tinuturing nang banta sa national security ang droga. Kasi mahigit kalahati ng heinous crimes, dala ng shabu. Patayan, gahasaan, kidnapan dala ng pagkabangag o paghahanap ng pambili ng pampa-high. Wow, pare, maron ba tayo diyan!
Hindi lang iyon. Lumaki na masyado ang mga sindikato ng shabu. Kumikita na ng bilyun-bilyong piso kada buwan. May pansuhol di lang sa karaniwang pulis kundi pati sa heneral. Pati huwes at piskal, kayang ayusin para walang kaso. Kaya nga mas maraming rapist sa death row, apat sa bawat isang pusher. Pati senador at kongresista at Cabinet member, kayang kaibiganin sa pamamagitan ng bagol-bagol na pera.
Di maglalaon, babala ni Corpus, matutulad ang Pinas sa Colombia. Doon, pinabayaan ng gobyernot publiko na lumaganap ang cocaine. Lumakas ang drug cartel sa Medellin region. Pati kapatid ng Presidente, naging protektor. Natauhan lang sila matapos pumatay ang cartel ng mahigit 300 matitinong pulis, huwes at peryodista. Saka lang pinakilos ang militar laban sa mga heneral-pulis na kakutsaba ng cartel.
Gusto ba nating magka-ganoon din tayo?