Ngayoy panibagong imbestigasyon na naman ang gagawin ng mga kinauukulan kung sino ang dapat managot sa pagkakasunog ng hotel na umanoy may 300 guests nang maganap ang sunog. Karamihan umano sa mga guest ay galing pa sa probinsiya at dumadalo sa seminar ng religious organization sa Araneta Colesium.
Umanoy walang fire exit ang mga kuwarto ng hotel at makikipot ang hallway. May mga fire extingquishers subalit wala umanong laman. Nang magsimula ang sunog at kumalat ang usok sa mga kuwarto ay nag-panic ang mga guest at hindi malaman kung saan sila dadaan palabas. Karamihan sa mga namatay ay nakita sa hallway, sa banyo at sa kuwarto mismo. May mga biktimang nakitang magkayakap, may nakatalungko, samantalang ang iba ay nakalublob ang mukha sa inidoro sa banyo. Palatandaang hindi na nakaalis sa lugar at doon na inabutan ng kamatayan. Ang iba ay nagawa umanong nakagawa ng butas sa kisame at doon nagdaan para matakasan ang apoy.
Ang hotel ay pag-aari umano ng Wilvic Construction and Development Corporation at may limang palapag. Sinasabing nagsimula ang sunog sa ika- limang palapag kung saan ay maraming guest na nakatuloy.
Naulit ang Ozone tragedy at ngayoy pinangangambahan na maaaring maulit din ang pagkakawalang-sala ng mga dapat managot sa Manor tragedy. Maaaring mapawalang sala rin tulad ng pagkakaabsuwelto sa may-ari ng Ozone. Lumabas na inosente ang may-ari kaya pinawalang-sala ng Quezon City Regional Trial Court. Hanggang ngayon, hindi pa nakakamit ng mga biktima ng Ozone ang katarungan.
Ganito rin kaya ang mangyari sa mga biktima ng Manor Hotel? Huwag naman sana. Nararapat maimbestigahang mabuti ang trahedya. Busisiin din ang Bureau of Fire Protection at ang Business Permits and Licensing Office. Pagbayarin ang mga dapat managot sa malagim na trahedyang ito. Hindi na sila dapat makalusot sa batas sa pagkakataong ito.