Sinabi kamakailan ng PNP na bumaba ng 12 percent ang crime rate sa bansa nitong nagdaang anim na buwan kumpara sa ganoon ding period noong nakaraang taon. Kung statistics ng PNP ang pagbabasehan, totoo po yan mga suki? Subalit tanungin mo ang ordinaryong mamamayan, General Mendoza at walang kakurap-kurap nilang sasabihin sa yo na hindi totoo ang mga pagyayabang ng PNP.
Sa katotohanan, dahil hayagan na ang operasyon ng jueteng, bold shows, putahan at kung ano pang klaseng ilegal sa liderato mo, naglilipana na rin ang mga buwaya sa kalye sa ngayon. Kaya dahil sa malamya mong liderato, totoo ang ibinulgar ni Sen. Ping Lacson sa senado na rampant na ang jueteng, and no take policy is dead, Kotong cops are back at ang 34-waist-line ay naibasura na. Masakit man subalit iyon ang katotohanan, General Mendoza.
Kung bakit mababa ang crime rate sa ngayon? Ang katotohanan ay sinabi mo na General Mendoza dahil nga sa kawalan ng tiwala ng sambayanan sa pulisya. Kaya maraming krimen noong nakaraang taon ay dahil ang mga biktima ay naglutangan ang nagre-report sa pulisya dahil may tiwala silang aaksiyunan ni Lacson ang kanilang problema. Pero sa ngayon ayaw na nilang lumutang sa presinto sa pangambang baka mabiktima pa sila ng Kotong cops. Get mo General Mendoza?
Itanong mo sa masa, lalo na sa mga kubrador ng jueteng at mga ilegal na sugal at sasabihin nila sa iyo General Mendoza na talamak na sa ngayon ang tinatawag na hulidap o dili kayay huling bangketa. At sino naman ang sira-ulong biktima na lulutang ang magreport sa pulisya sa mga kasong ito? Eh di wala. Para nga maniwala ang sambayanan na seryoso ka sa pakikibaka sa mga tiwaling pulis, sibakin mo sa tungkulin itong mga buwaya na patuloy na sumisira sa imahe ng pulisya, General Mendoza.
Unahin mo itong sina SPO1 Rene de Jesus ng WPD at SPO3 Danny Sarmiento ng CPD na kapwa alagang buwaya ni Supt. Cipriano Querol, hepe ng intelligence ng National Capital Regional Police Office (NCRPO). At linisin mo rin ang opisina mo sa balitang nabahiran ka na ni Bong Pineda, ang jueteng king ng Central Luzon at kumpare ni Presidente Arroyo, ng milyones niya. Di ba totoo to Sen. Supt. Ric Dapat? Kaya dapat itigil na ng PNP officials ang propaganda nila at ang milyon na budget ay ilaan na lamang sa importanteng programa ng PNP dahil hindi naniniwala ang sambayanan sa mga palabas nila.