Isa sa binibigyang pansin ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), ay ang pagsasaayos ng pabahay para sa mga empleado ng gobyerno. Noong nakaraang linggo nagkaroon ng paglalagda ng isang kasunduan sa pagitan ng HUDCC, National Electrification Administration (NEA) at Philippine Electric Cooperative Association (Philreca) upang magkaroon ng mura at disenteng tahanan ang mga empleyado ng NEA at Philreca. Ayon sa kasunduan, ang NEA at Philreca ay magsasagawa ng survey sa kanilang mga empleado upang malaman ang mga pangangailangan sa pabahay at sila rin ang pipili sa mga kuwalipikadong benepisyaryo. Ang HUDCC ang magbibigay ng mga programang maaaring pagpilian ng mga empleado.
Ang kasunduan ay kabilang sa 14 na kasunduan na binuo ng HUDCC upang magkaroon ng murang pabahay para sa publiko at pribadong empleado. Sa kasalukuyan, mahigit sa P3 bilyon na ang naipapamahagi bilang tulong pinansiyal sa mga miyembro ng AFP, PNP, overseas workers, mga empleado ng pamahalaang lokal at nasyonal.
Sa ilalim ng Arroyo administration ang pangangailangan sa pabahay ng ibat ibang sektor ng lipunan ay isa sa mga pinagtutuunan ng pansin. Alam ng pamahalaan na ang pamilyang Pilipino ay nararapat nakatira sa disenteng tahanan upang mapangalagaan ang kanilang sarili at dignidad.