Ang pinakabagong anomalyang sumingaw sa SSS ay ang P330 milyong "Christmas expenses" noong 1999 at 2000. Nakalulula ang laki! Maging si Surigao Rep. Robert Ace Barbers ay nagulat sa napakalaking ginastos ng SSS. Dapat aniya itong imbestigahan sa lalong madaling panahon sapagkat ang nakasalalay ay ang kapakanan ng mga miyembro ng SSS. Ayon kay Barbers, okey lamang kung sa mga rank and file ng SSS napunta ang malaking perang ito subalit kung sa mga "matatabang pusa" nararapat itong kalkalin.
Maraming "matatabang pusa" sa SSS na nakikinabang sa pera ng mga miyembro. Habang namumutiktik ang kanilang bulsa sa laki ng kanilang sahod at ibat ibang allowances, kakatwa namang may mga naaatrasadong bayad sa kapiranggot na pension ng mga miyembro. Mayroon pang mga miyembro na nagrereklamo sa umanoy mabagal na proseso ng kanilang salary, emergency o housing loan at marami pang iba.
Ang anomalyang sumingaw ay nararapat tutukan. Ang ganitong anomalya ang nararapat isinigaw sa ginawang "people power" sa SSS. Subalit lumalabas na sa pansariling interes lamang ang nangyaring "people power" at hindi para sa kapakanan ng mga nakararaming miyembro. Hindi bat ang sama-samang lakas ay ginagawa para baguhin ang masamang sistema at ilantad ang kabulukan na matagal nang isinusuka. Tila hindi ganito ang nangyari sa SSS.
Si dating President Joseph Estrada ay sangkot sa nangyaring katiwalian sa SSS na isang dahilan kung bakit siya napatalsik sa puwesto. Inakusahan si Estrada nang paggamit sa pera ng SSS para ipambili ng share sa isang gaming corporation. Ginawa ito sa pamamagitan ni dating SSS president Carlos Arellano. Nang gawin ito ni Estrada ay bakit walang lumutang para mag-people power at tutulan ang katiwalian. Bakit umurong ang buntot ng mga SSS officials at mga empleado?
Kalkalin ang anomalya sa SSS at pangunahan ito ng mga mambabatas upang malaman ng mga miyembro ang tunay na nangyayari sa pinaghirapan nilang pera. Huwag na itong patagalin pa.