Halos tatlong buwan nang hindi nahaharap ng mga senador ang dapat nilang mga trabaho na maaaring makatulong sa pagpapaunlad sa kabutihan ng bansa. Bagkus nakatungangang nakamasid lamang ang taumbayan sa kaululang pinaggagagawa ng mga honorable" at ladies and gentlemen ng senado.
Naghahabulan pa rin hanggang ngayon sa mga magagandang komite ang mga senador. Kahit na mga miyembro ng minority ay nakikipaglaban na makakuha ng ilang makapangyarihang komite kung kayat nagiging matindi ang ginagawang estratehiya ng bawat grupo ng majority at minority.
Maliban sa sulutan sa paghawak ng mga makapangyarihang komite, birahan naman sa pamumulitika ang isa pang namamayagpag sa senado. Bira rito, bira roon ang natatanggap ni Sen. Panfilo Lacson dahil sa mga akusasyon nina ISAFP Chief Victor Corpus, Rosebud, Ador at Mon Tulfo. Dahil dito, labu-labo na ang nangyayari sa senado na lalong nagpapagulo at nagpapadagdag sa mga problema ng bansa.
Marami na tuloy ang nagpapahayag na mabuti pa yata ay alisin na ang senado sapagkat wala rin naman itong ginagawang magaling upang makatulong sa kaayusan at kabutihan ng ating bansa. Kung hindi nga magpapakatino ang mga senador na ito, hindi malayong maging konsehal na lang sila balang araw.