Sa isang talinghaga sa Ebanghelyo ngayon, binabalaan tayo ni Jesus na laging ihanda ang ating sarili. Isinalaysay ni Lukas ang nasabing talinghaga (Lk. 12:35-40).
"Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon mula sa kasalan, para pagdating niya ay mabuksan agad ang pinto. Mapalad ang mga alipin na abutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Sinasabi ko sa inyo, maghahanda siya, padudulugin sila sa hapag, at maglilingkod sa kanila. Mapapalad sila kung maratnan niya silang handa, dumating man siya ng hatinggabi o madaling-araw siya dumating. Tandaan ninyo ito: Kung alam lamang ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kayo may dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.
Paano ninyo gustong madatnan ng Diyos kapag tinawag na niya kayo? Sa palagay koy nanaisin ninyong sabihin sa kanya na natapos nyo na ang misyon o gawain na iniatang niya sa inyo. Binigyan niya kayo ng pamilya. Masasabi nyo sa kanya na naalagaan at nahubog ninyo ang inyong mga anak upang maging mga responsableng Kristiyano.
Masasabi nyo rin sa kanya: Ginawa mo akong doktor. Nakapagpagaling ako nang maraming maysakit. Natulungan ko sila kahit na wala silang ibayad sa akin. O, akoy isang peryodista. Nakapag-ulat ako ng mga balita at naisulat ko ang mga katotohanan.
Nais din natin na matagpuan tayo ng Diyos na may kapayapaan sa ating pakikipagkapwa. Nais nating maging masaya sa ating pakikipagtagpo sa ating Amang nasa langit. Itoy nangangahulugan na kilala natin ang ating Diyos; madalas natin siyang katalastasan sa ating panalangin. Sa ganitong paraan, ang pagtawag sa atin ng Diyos ay ang pagbabalik sa ating tunay na tahanan upang makapiling magpakailanman ang siya mismong pinagmumulan ng walang-hanggang tuwa at kasiyahan.
Huwag masyadong maging abala na makakalimutan na ninyo na may takdang panahong itinakda ang Diyos para sa inyo upang harapin siya.