Mabigat na dahilan

Kasosyo ng Japanese na si Yamato sina Romy, Tito at Jaime sa kanilang negosyong sasakyan pangdagat. May isang barko silang pinaaarkila. Nalaman ni Yamato na hindi inintriga ng tatlo ang parte niya sa kita ng barko na nagkakahalaga na ng P9 milyon.

Kaya idinemanda niya ang tatlo para makuha ang parte niya. Hiniling din niya na pansamantalang pahintuin ang barko at samsamin ang mga ari-arian ng tatlo. Ginawad naman ito ng hukuman. Ngunit sa hiling nina Romy sa BC Corp. na isang pinansador, naglabas ng piyansa pabor kay Yamato ang nasabing kompanya kaya ang pagkaka-kumpiska sa barko at ari-arian ng tatlo ay hindi natuloy.

Samantala, humaba ang paglilitis at inabot ito ng tatlong taon. Sa panahong iyon hindi na tumakbo ang barko. Pagkatapos ng mahabang paglilitis nagkaroon ng desisyon ang Korte pabor kay Yamato. Inapela nina Romy ang desisyon.

Habang naka-apila, hiniling ni Yamato na ipatupad na ang naging desisyon ng Korte dahil nabubulok na ang barko at hindi na matagpuan sina Romy. Ipinatutupad ni Yamato ang desisyon laban sa BC Corporation na nagpiyansa sa kaso alang-alang kina Romy. Tinutulan ito ng BC Corporation. Sabi nito na hindi pa puwedeng ipatupad ang desisyon ng mababang hukuman dahil ito’y naka-apila at hindi pa pinal. Tama ba ang BC Corporation?

Mali.
Maaring ipatupad ang desisyon kahit hindi pa pinal at nakaapila pa kung may magandang dahilan. Maganda ang dahilan kung sa mga pangyayari, lumalabas na magiging balewala na rin ang desisyon kapag tumagal pa ang pagpapatupad nito, dahil na rin sa taktika ng kabilang partido. Isa sa mga magandang dahilan ay kung nabubulok na ang kalakal na saklaw ng kaso.

Sa kaso ni Yamato, ang dahilan niya ay paglubha ng kondisyon ng barko dahil ito’y hindi na tumatakbo at nakabilad sa araw, ulan at bagyo. Higit na mapipinsala si Yamato kung hindi ipatutupad ang desisyon kaysa sa pinsala na matatamo ng tatlo kung sakaling ito ay ipatupad ngunit sa kalaunan ay magwagi rin sila sa apelasyon (Yamato vs. Court of Appeals G.R. No. 11256 April 12, 2000).

Show comments