Ngayon ay kapistahan ni St. Lawrence. Siya ay isang deakono na namatay bilang isang martir. Kung kayat ang Ebanghelyo ngayon mula kay Juan ay angkop na angkop at nagsasalarawan sa atin ng pangangailangang maglaan ng ating buhay upang iligtas ito. (Jn. 12:24-26)
"Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, itoy mamumunga nang marami. Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan. Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin at saan man ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin."
Sinasabi ni Jesus na ang butil ng tribo ay dapat mamatay upang mamunga ng marami pang butil. Kung ano ang sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, kanya ring ipinatupad sa sarili niyang buhay. Upang iligtas ang mundo, kinailangan niyang mamatay. Bilang Diyos, hindi siya maaaring mamatay. Kaya naman siya ay nagkatawang-tao. Hindi lamang siya namatay ng pangkaraniwang kamatayan. Dumaan siya sa isang pinakamasakit at kahiya-hiyang kamatayan kamatayan sa krus. Ang kanyang kamatayan ay nagbunga ng panibagong buhay. Panibagong buhay para kay Jesus at panibagong buhay para sa ating lahat na naniniwala sa kanyang mapagmahal na gawa.
Sinasabi rin ni Jesus na sinumang "napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito..." Sa kawikaang Semitiko, ang pakahulugan ng "napopoot" ay "magmahal nang kulang". Ang ibig sabihin, samakatuwid ng mga kataga ni Jesus ay: ang sinumang nagmahal nang kulang sa kanyang buhay ay ililigtas ito. Ang paghahari ng Diyois ang siyang pangunahing kahalagahan sa buhay ng isang Kristiyano. Dapat siyang maging handa na isakripisyo ang kanyang buhay para sa paghahari ng Diyos upang mailigtas ang kanyang buhay.
Isinasakripisyo ng isang ina ang kanyang buhay para sa bawat sanggol na kanyang isinisilang. Sa ganitong paraan, naglilingkod siya sa paghahari ng Diyos.