Ginagatasan tayo ng SSS officials

O kitam? E di hanggang ngayon, hindi maipaliwanag nang husto ni SSS executive vice president Horacio Templo kung bakit pagkalaki-laki ng suweldo niya? Aba’y P289,916 ang basic kada buwan. Dagdag pa rito ang buwanang economic assistance na P500, RATA ng P9,000, discretionary allowance na P15,000. Kabuuang P314,416. Doble sa kita ng presidente ng pribadong banko. At halos 50 beses ang laki kaysa suweldo ng karamihan sa 23 milyong miyembro ng SSS. Hindi pa kasama sa kuwenta ang lihim na per diem ni Templo — P150,000 sa bawat miting ng board ng mga kompanya kung saan may shares ang SSS.

Hindi lang si Templo ang ga-higante ang suweldo. Limampu’t-siyam na senior, ordinaryo at assistant vice presidents ang sumusuweldo rin nang mahigit o halos P100,000 kada buwan. Sa suweldo pa lang nila, mahigit na P6 milyon na ang kinukuha sa atin. Aba’y 26 sa mga VP na ’yan, mas malaki pa ang kita kaysa presidente ng SSS. Kasi, tatlong beses tinaasan ang suweldo nila mula Setyembre 1998 hanggang Mayo 1999 nu’ng panahon ni Erap. Ito rin ’yung panahong inutusan ni Erap ang alipores ni Carlos Arellano, SSS president, na bumili ng shares sa kompanya ng cronies niya. Kasabwat daw dito, ayon sa special audit, si Templo at ilan pang VP na nagsulsol sa mga empleyado na patalsikin ang bagong presidenteng si Vitaliano Nañagas. Kasi, sina Templo sana ang patatalsikin dahil sa katiwalian.

Ginagatasan tayo nina Templo. Ang lalaki na nga ng mga suweldo, hindi naman pinangangalagaan ang pera natin sa SSS. Hinayaang mapirata nu’ng panahon ni Erap. Nagtahimik sila dahil inumentuhan sila ng mga magnanakaw.

Palpak din ang serbisyo ng SSS. Parating nawawala ang papeles. Puro red tape. Late ang pagbayad ng pensiyon. Palakasan sa pag-utang. Sinusuwelduhan natin nang ga-higanteng salapi sina Templo para lokohin at pahirapan tayo.

Ewan ko sa inyo, pero ako puno na sa kanila. Palitan na.
* * *
Lumiham sa Pilipino Star NGAYON o sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments