Kamakalaway nagbigay na naman ng taning ang AFP. Hanggang November na lamang umano ang itatagal ng mga bandido at lubusan nang mauubos ang mga ito. Marami na raw silang nadakip na mga bandido at natutuliro na ang mga ito sa katatakbo. Sabagay, madali lang namang sabihin na mauubos na ang mga bandido. Madaling mangako at magbanta.
Kung gugustuhin ng AFP na madurog ang mga bandido ay makakaya nila. Uubra ba ang mga bandido na umanoy mahigit lamang 1,000 ang mga miyembro. Pero dahil sa hindi maipaliwanag na dahilan, namayani ang mga halang ang kaluluwa at walang anumang nakalulusot sa kordon ng military. Lalo pang naging matapang ang mga bandido pagkaraang "ibeybi" nang nakaraang administrasyon. Sa halip na tirisin ang mga ito ay kinunsinti pa. Makaraang magbayad ng milyong dollar ang mga dayuhang kinidnap sa Sipadan, Malaysia noong April 23, 2000 ay walang ginawa ang gobyerno ni dating President Estrada para habulin sina Kumander Robot, Abu Sabaya at Janjalani. Nag-ipon pa ng armas ang mga bandido at ginamit sa pagkidnap sa tatlong Amerikano at 19 na Pilipino sa Dos Palmas resort sa Palawan noong May 27.
Hanggang ngayoy palaisipan din kung bakit parating nakalulusot ang mga bandido sa military. Sa kabila nang pag-uutos ni President Gloria Macapagal-Arroyo na paligiran ang kinaroroonan ng mga bandido ay parati naman silang nalulusutan. Maging si Abu Sabaya ay nakitang nakapamamasyal sa Lamitan, Basilan at nagdadamit-babae pa umano.
Sa nangyayaring kapalpakan ng military hindi mahirap isipin na kasabwat nga ng mga bandido ang matataas na military officials gaya ng ibinulgar ni Fr. Cirilo Nacorda. Sinabi ni Fr. Nacorda na limang opisyal ng army ang kakutsaba ng mga bandido kaya nakatakas ang mga ito noong June 2 sa isang ospital sa Basilan. Napaligiran na ng mga sundalo ang hospital na kinaroroonan ng mga bandido subalit nakapagtatakang nakatakas pa ang mga ito. Mayroon kayang himala?
Ngayoy hanggang November na lamang ang taning sa mga bandido. Sana ngay totoo na ito at hindi lamang produkto ng kanilang imahinasyon.