^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Siguruhing hindi na papalpak sa Sayyaf

-
Kakatwa ang Armed Forces of the Philippines. Mahilig silang magbigay ng eksaktong panahon kung kailan tatapusin ang mga bandidong Abu Sayyaf. Maraming beses na nilang sinabi na malapit nang mapulbos ang mga bandido, subalit hindi naman nangyari. Sa pagkakatanda namin, sinabi nila noong June na dalawang buwan na lamang ang itatagal ng mga bandido at mauubos na ang mga ito. Walang nangyari sa taning.

Kamakalawa’y nagbigay na naman ng taning ang AFP. Hanggang November na lamang umano ang itatagal ng mga bandido at lubusan nang mauubos ang mga ito. Marami na raw silang nadakip na mga bandido at natutuliro na ang mga ito sa katatakbo. Sabagay, madali lang namang sabihin na mauubos na ang mga bandido. Madaling mangako at magbanta.

Kung gugustuhin ng AFP na madurog ang mga bandido ay makakaya nila. Uubra ba ang mga bandido na umano’y mahigit lamang 1,000 ang mga miyembro. Pero dahil sa hindi maipaliwanag na dahilan, namayani ang mga halang ang kaluluwa at walang anumang nakalulusot sa kordon ng military. Lalo pang naging matapang ang mga bandido pagkaraang "ibeybi" nang nakaraang administrasyon. Sa halip na tirisin ang mga ito ay kinunsinti pa. Makaraang magbayad ng milyong dollar ang mga dayuhang kinidnap sa Sipadan, Malaysia noong April 23, 2000 ay walang ginawa ang gobyerno ni dating President Estrada para habulin sina Kumander Robot, Abu Sabaya at Janjalani. Nag-ipon pa ng armas ang mga bandido at ginamit sa pagkidnap sa tatlong Amerikano at 19 na Pilipino sa Dos Palmas resort sa Palawan noong May 27.

Hanggang ngayo’y palaisipan din kung bakit parating nakalulusot ang mga bandido sa military. Sa kabila nang pag-uutos ni President Gloria Macapagal-Arroyo na paligiran ang kinaroroonan ng mga bandido ay parati naman silang nalulusutan. Maging si Abu Sabaya ay nakitang nakapamamasyal sa Lamitan, Basilan at nagdadamit-babae pa umano.

Sa nangyayaring kapalpakan ng military hindi mahirap isipin na kasabwat nga ng mga bandido ang matataas na military officials gaya ng ibinulgar ni Fr. Cirilo Nacorda. Sinabi ni Fr. Nacorda na limang opisyal ng army ang kakutsaba ng mga bandido kaya nakatakas ang mga ito noong June 2 sa isang ospital sa Basilan. Napaligiran na ng mga sundalo ang hospital na kinaroroonan ng mga bandido subalit nakapagtatakang nakatakas pa ang mga ito. Mayroon kayang himala?

Ngayo’y hanggang November na lamang ang taning sa mga bandido. Sana nga’y totoo na ito at hindi lamang produkto ng kanilang imahinasyon.

ABU SABAYA

ABU SAYYAF

ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES

BANDIDO

BASILAN

CIRILO NACORDA

DOS PALMAS

HANGGANG NOVEMBER

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with