Kahit na sabihing nagbayad sa pagkukulang ang SSS dahil nagkaroon ng serbisyo noong Sabado at kahapon, hindi pa rin ito sapat sa nasayang na oras at panahon ng mga miyembro. Marami sa mga miyembro ang nagtiyagang magtungo nang maaga sa SSS main office subalit malaking pagkadismaya ang kanilang naranasan sapagkat hinarang na sila ng mga empleadong nagpi-people power. Walang serbisyong nakamit kundi perhuwisyo lamang sa pagtungo roon. Isang miyembro na nanggaling pa sa Laguna ang nagtungo sa SSS main office para i-follow up ang pension ng namatay na ama subalit walang nag-asikaso sa kanya roon. Maraming kabataan na mag-aapply sana ng kanilang SSS number bilang requirement sa kanilang pagtatrabahuhan ang nagsayang lamang ng oras at pamasahe. Lulugu-lugo silang umuwi.
Nagtagumpay ang mga empleado at ang mga matataas na executives sa kanilang "people power" subalit sanay naisip din naman nila ang kapakanan ng mga miyembrong nangangailangan ng serbisyo. Ginawa sana nila ang "people power" na hindi naaapektuhan ang maraming miyembro.
Ang ipinakitang "people power" ng mga taga-SSS ay maaaring gayahin pa ngayon ng ibang tanggapan kung may nais silang tanggaling pinuno. Okey lamang ito sapagkat karapatan naman ng bawat isa. Nasa isang bansang malaya na maaaring isigaw ang laman ng isip subalit dapat din namang intindihin kung may naaapektuhan sa gagawing "people power". Gawin sanang parehas at walang napababayaan sa tungkulin sa kapwa.