Labindalawang taon pagkamatay ni Johnny pumirma si Melba ng kasunduan pabor sa mag-asawang Aida at Andy kung saan ipinagbili niya sa mag-asawa ang lupa. Nakasaad sa kasunduan na maaaring bilhin muli ni Melba ang lupa sa mag-asawa matapos ang isang taon. Ngunit lumampas ang isang taon ay hindi na nabili muli ni Melba ang lupa kina Andy. Kaya pinagtibay na nina Andy at Aida ang kanilang pangangari sa lupa at silay nakakuha na ng bagong titulong nasa pangalan nila.
Hanggang namatay si Melba. Noong binabawi na ni Andy sa mga tagapagmana ni Melba ang lupa, ayaw nilang ibigay ito. Dinemanda pa nga nila ang mag-asawa dahil ang kasunduan daw na pinirmahan ni Melba ay walang bisa sapagkat ang lupa raw ay pangangari ng mag-asawang Melba at Johnny at di ni Melba lang. Kaya ang pagbebenta ng buong lupa ay nakasira sa karapatan nila sa kalahating dapat mapunta kay Johnny. Tama ba ang mga tagapagmana?
Tama sila na sabihing ang lupay sa mag-asawang Melba at Johnny. Ngunit mali sila na sabihing walang bisa ang kasunduan nina Melba at Andy. Ang titulo ng lupa ay nasa pangalan ni Melba. Nakalagay dito na siyay biyuda. Noong ipagbili niya ito sa mag-asawang Andy at Aida, siyay biyuda na. Kahit nga itoy pag-aari nilang mag-asawa, may bisa pa rin ang pagtinda ni Melba kina Andy dahil ang titulo ay nakalagay lang sa pangalan ni Melba bilang biyuda. Ang isang bumili ng tituladong lupa ay kinakailangan lang na pagbatayan kung ano ang nakalagay sa titulo. Hindi na sila kailangang mag-imbestiga pa ng wala sa titulo. Ito ang layunin ng titulo torrens. Kung ang isang bumibili ang kailangan pang alamin ang mga kondisyong hindi nakasaad sa titulo o nakarehistro rito, magiging balewala na ang titulo.
Kaya may bisa ang kasunduang pinirmahan ni Melba. At noong hindi nga binili muli ang lupa sa loob ng isang taon ayon sa kasunduan, kusang naisalin na ang pangangari kina Andy at Aida. Hindi kailangan ang utos ng husgado upang ang pangangari nilay maging legal. Ang utos ng hukuman ay kinakailangan lang upang kumpirmahin ang kanilang titulo. At dito ngay kinukumpirma na ng husgado ang kanilang titulo. (Cruz etc. vs. Leis et. al. G.R. No. 125233 March 3, 2000)