Kinukuryente si Deedee?

Akala ko mga reporters lang ang vulnerable sa pangunguryente. Kuryente is a terminology na ginagamit sa pagsusubo ng mga maling impormasyon upang hiyain ang isang mamamahayag.

Nang ako’y reporter pa, kinukuryente ko ’yung mga kabaro kong tamad na hindi nagtatrabaho at nanghihingi na lang ng istorya.

Iyun pala’y pati ang isang Immigration Commissioner tulad ng kaibigan kong si Andrea "Deedee" Domingo ay maaari ring biktimahin ng "high voltage".

Nanonood ako kahapon ng Alas-Singko y Medya sa Channel 2.

Kinapanayam ng TV host na si Mon Ilagan si Sr. Police Supt. Michael Ray Aquino sa telepono. A day before, ibinalita na sina Aquino at Police Sr. Supt. Cesar Mancao ay naka-eskapo na patungong United States.

Mariing pinabulaanan ni Aquino sa panayam ang kumpirmasyon ni Commissioner Domingo na ang dalawang prime suspect sa Dacer-Corbito double murder case ay nakalabas na ng bansa.

Galit ang himig ng pananalita ni Aquino. Aniya, napakaraming kriminal na dapat tugisin ng gobyerno, bakit sila ang napagdidiskitahan?

Kung ordinaryong cellphone o landline ang ginamit ni Aquino sa pagtawag sa ABS-CBN, madaling matukoy ang kanyang kinaroroonan. Matutukoy kung talagang nasa-US ang tumatawag o naririyan lang sa tabi-tabi.

Ngunit sabi ng aking kaibigan, kung satellite phone ang ginamit, maaaring palabasing ito’y isang tawag na nagmula sa loob ng bansa.

Ang sabi ni Domingo sa isinagawang press conference sa Hariraya Restaurant malapit sa NAIA, gumamit ng pekeng pasaporte ang dalawang bata ni dating PNP Chief na ngayo’y Senador na si Ping Lacson.

Mula sa Mactan Airport sa Cebu, lumipad sila patungong Hong Kong at mula doon, ginamit na ang tunay na pasaporte papuntang Amerika.

However, nag-react ang mga opisyal ng paliparan sa Mactan. Hindi raw totoo na dumaan sina Mancao at Aquino sa naturang airport palabas ng bansa.

Imposible raw makapuslit sa kanila ang dalawang suspect dahil kilala raw nila ang pagmumukha ng mga ito.

This being the case, ano ang basehan ng press briefing ni Andrea Domingo?

I don’t think Domingo will hold such a press conference
kung wala siyang pinanghahawakang impormasyon.

Sa tingin ko’y hindi siya gagawa ng ganyang pahayag kung wala siyang tinanggap na kumpirmasyon mula sa Hong Kong na tumitiyak na sina Mancao at Aquino ay dumaan sa naturang paliparan.

Malalaman natin kung sino ang nagsisinungaling kung personal na lalantad ang sino man kina Mancao at Aquino upang sabihin: "Hoy, nandito pa kami."

Hangga’t hindi ginagawa nina Mancao at Aquino ito, siyempre ang paniniwalaan ko ay ang statement ni Domingo dahil kaibigan ko iyan at kabalen. Pero kung lilitaw na mali ang impormasyon, diyahe tayo Deedee!

Kaya ito ang payo ko kay Deedee. Huwag agad kakagat sa isinusubong info ng iyong mga intelligence kuno. Baka gusto kang isabit ng mga iyan. Isa pa, gobyerno ang lumalabas na katawatawa.

Pati tuloy si Justice Secretary Bigote Perez ay kinumpirma ang impormasyon. Tsk..tsk!

Show comments