Magmumukhang ulyanin si Interior Secretary Joey Lina kapag natuloy ang pag-promote sa pagka-heneral nitong 21 opisyales ng pulisya. Kasi nga, mainit pa itong mga banta ni Lina noong ilabas niya ang jueteng hot spots sa buong bansa na tatanggalin niya sa tungkulin ang mga regional, district at provincial directors ng Philippine National Police (PNP) na pabaya nga sa jueteng. Pero kung ma-promote ang 21 PNP officials, ibig bang sabihin wala nang jueteng sa bansa, ha Secretary Lina Sir? At sa pagkaalam ko apat na district director ng Metro Manila ay kasama sa listahan ng mapo-promote bilang bagong heneral. Ano ba yan?
Buweno, para hindi ka magmukhang ulyanin Secretary Lina, aksyunan mo itong aking ibubulgar para bumango uli ang pangalan mo. Dahil talamak na ang pasugalan sa Metro Manila, siyempre dumami na rin ang mga tinatawag nating "buwaya" sa kalye. Mabuti pa yung buwaya sa dagat at may kabusugan pero itong "buwaya" na tinutukoy ko ay palaging gutom at butas ang mga bulsa. Alam ito ni Supt. Cipriano Querol, hepe ng intelligence ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) dahil marami siyang alagang "buwaya".
Sa Maynila naman, marami ring alagang "buwaya" itong si SPO4 Rene de Jesus, ang overall kolektor ng lingguhang intelihensiya ng City Hall Detachment, Western Police District (WPD), NCRPO ni Querol at ng lokal na Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ayon kay Vice Mayor Danny Lacuna. Ang mga "buwaya" ni De Jesus ay sina SPO1 Erning Reyes, SPO1 Isagani Jimenez at SPO1 Romy Lara para sa "lawa" ng City Hall detachment; si SPO1 Ed Morata para sa "dagat" ng District Intelligence and Investigation Division (DIID); SPO1 Rolly Bañez para sa "ilog" ng Special Action Group (SAG); SPO1 Fred Ramos para sa "karagatan" ng Anti-Vice Unit at si SPO1 Eduardo Tolentino alyas E.T. para naman sa "fishpond" ni Querol. Matindi pala itong mga "buwaya" ni De Jesus dahil hilong-talilong ang mga gambling lords kung sagpangin nila, ayon sa mga nakausap kong pulis.
VK Watch! Ang wish naman ng mga magulang sa Pasay City sa hepe ng pulisya na si Supt. Alex Gutierrez ay itigil na niya ang pagka-casino at imbes atupagin niya ang naglilipanang video karera machines at bold shows sa siyudad ni Mayor Peewee Trinidad. Kasi nga habang nagpapalamig umano itong si Gutierrez sa casino, walang humpay naman ang latag ng makina nitong sina Jerry San Juan at alyas Pura o Smiley at wala ring pakundangan ang bold show sa Miss Universal sa Libertad St. Ang nagsasabing wholesome entertainment at hindi bold ang palabas ng Miss Universal ay sana mabulag. Magkano ba, igan? Nitong nakaraang linggo umaabot sa 12 makina ni San Juan ang nakumpiska ng mga bataan nina Interior Sec. Joey Lina at Sen. Supt. Sonny Gutierrez pero itong hepe ng Pasay ay Bokya. Sir Alex, ibuhos mo ang galit mo kina San Juan, Pura at sa Miss Universal at hindi dapat panay hawak ng mga pitsa sa casino para matuwa naman ang mga magulang ng apektadong kabataan sa Pasay. Paano ka mare-retain sa puwesto mo nyan?