EDITORYAL - Hayaang 'gisahani' ng Senado

Masarap mapakinggan na okey kay President Gloria Macapagal-Arroyo na "gisahin" ng Senado ang asawa niyang si Mike Arroyo. Payag umano siyang imbestigahan ito dahil sa umano’y pagkakasangkot sa P50 milyong suhulan sa pagbibigay ng prangkisa sa isang telecommunication company. Isinangkot ang First Gentleman nang nagbitiw na correspondence secretary na si Veronica "Bing" Rodrigo. Si Rodrigo ay kaibigan at dating kaklase ni GMA mula grade school. Sinabi ng First Gentleman na payag siyang sumailalim sa inquiry ng Senate Blue Ribbon Committee.

Hayaang lumabas ang katotohanan sa paggisa sa First Gentleman. Nararapat malaman ng taumbayan ang nangyayari sa pamahalaan. Nagsasawa na ang taumbayan sa mga pagtatakip sa mga kasalanang ginagawa ng mga namumuno. Ilang Presidente na ang naakusahang nagtatago ng mga anomalya na hindi naman mabulatlat dahil sa mga pagtatakip o pagtatago.

Hindi ba’t kung hindi binusisi ng Kongreso at Senado ang maanomalyang gobyerno ni dating President Estrada ay baka namamayagpag pa siya sa puwesto. Ngayon ngang naka-hospital arrest na ay hindi pa ganap na nakikita ng taumbayan ang katotohanan. Mabagal ang hustisya na nagiging dahilan tuloy kung bakit nag-uumalma ang taumbayan. Ang mga mayayaman at maiimpluwensiya ay kadalasang naliligtasan ang batas at ang maliliit ang nagdurusa sa madilim na bilangguan.

Dapat lamang na pabayaan ni GMA na gumalaw ang Senado nang malaya upang mahalukay ang katotohanan sa ibinulgar ni Rodrigo. Ang ibinulgar nito ay hindi nararapat ipagwalang-bahala at dapat malaman kaagad sa lalong madaling panahon kung sino ang nagsisinungaling o nagsasabi ng katotohanan.

Sa State of the Nation Address (SONA) ni GMA noong Lunes ay kasama sa mga binanggit ang pagsugpo sa graft and corruption. Ang katiwalian sa pamahalaan ay nakalinya sa dudurugin ni GMA. Kung kami ang tatanungin, dapat prayoridad ni GMA ang pagdurog sa mga corrupt upang ganap na maiahon ang mahihirap sa kumunoy ng kahirapan. Kapag wala na ang mga matatakaw sa pamahalaan saka pa lamang uusad ang kaginhawahan sa bansang ito.

Tamang imbestigahan ang First Gentleman upang magkaroon ng katotohanan ang mga sinabi ni GMA sa kanyang SONA. Kaiba ito kaysa sa "bangkang papel" na binanggit niya sa kanyang SONA.

Show comments