Anim na araw makaraang i-order ni GMA ang pagdurog sa mga masasamang elemento ay nagpakitang-gilas ang PNP. Agad nilang nadakip noong Huwebes ang tatlong pinaghihinalaang miyembro ng Joel Medrano Gang na responsable sa pangingidnap. Noong Biyernes, nakadakip din agad ang Central Police District ng mga kilabot na Akyat Bahay Gang. Sa Western Police District nang araw ding iyon ay nakasakote naman ng mga miyembro ng Cellphone Gang. Naging masigla ang mga pulis nang mag-utos si GMA na durugin ang mga kriminal, drug syndicate, kidnappers at mga holduppers. Sinasabi namang ang pag-uutos ay bahagi ng "pagpapa-cute" ni GMA dahil sa State of the Nation Addres (SONA). Ginawa ni GMA ang unang SONA kahapon.
Ang pinakamatinding birada ng PNP ay nang makasagupa nito noong Sabado ng gabi, dakong alas-6:30 ang mga pinaghihinalaang miyembro ng Martilyo Gang. Nakipagbarilan umano ang Martilyo Gang sa mga miyembro ng PNP-Intelligence Group (IG) malapit sa Delpan Bridge sa Tondo. Pinara umano ng mga IG ang sasakyan ng siyam na suspect subalit nagpaputok ang mga ito. Gumanti ang mga pulis at napatay ang siyam.
Subalit marami ang nagtataka sa naganap na shootout at naghihinalang isang kaso na naman ito ng pangsa-salvage na walang iniwan sa Kuratong Baleleng rubout. Itinanggi naman ito ng PNP na nagsabing matagal na nilang tinutugaygayan ang Martilyo Gang.
Hindi masisisi ang taumbayan kung magduda sa PNP. Marami nang pangyayari na nagsasangkot sa PNP sa summary executions. Batas ng baril ang kanilang ipinaiiral. Ang nangyari sa Martilyo Gang ay maaaring pag-isipan ng ganito sapagkat maraming basyo ng bala na ipinutok ng mga pulis ang nagkalat malapit sa sasakyan ng mga suspect. Isang indikasyon na malapitan ang ginawang pagbaril.
Totoong marami ang naghahangad na madurog na ang mga masasamang loob upang magkaroon ng payapang komunidad. Subalit dapat na ilagay sa tama ang pagdurog sa mga masasama. Hindi padalus-dalos at marahas. Dapat nasa katwiran at hindi basta sa bala lamang.