Panibagong kasunduan

Upang mabayaran ang lupa’t bahay na binili nila, umutang ang mag-asawang Romy at Tessie sa isang financing company ng P100,000. Bilang katunayan ng utang, pumirma sila sa isang promissory note kung saan nangako silang babayaran ang utang na buwanang hulugang P1,378.83 sa loob ng 20 taon. Ang utang ay may interes na 12 percent bawat taon na maaaring itaas kung may batas na ipapasa na magtataas nito.

Makaraan ang apat na taon, pumalya na sila Romy at Tessie na magbayad ng ilang hulog. Upang mapanumbalik sa kasalukuyan ang kanilang utang, pumirma muli sila Romy at Tessie sa bagong promissory note (PN) kung saan ang utang nila pati interes ay P442,326.43 na. Ayon sa bagong PN, babayaran nila ang utang ng P2,176.68 bawat buwan sa loob ng 16 taon na may interes na 21 percent bawat taon, ayon sa bagong batas na umiiral (Central Bank Circular 705 and 712).

Isang taon lang ang nakalipas ay pumalya muli sina Tessie at Romy na magbayad ng hulugan. Kaya dinemanda na sila upang masingil ang utang at interes na 21 percent per annum.

Ayon kina Romy at Tessie, dapat daw na 12 percent per annum lang ang interes nila ayon sa unang pinirmahan nila. Ang ikalawang PN daw na pinirmahan nila’y galing lang sa unang PN, kaya’t ang mga kasunduan sa unang PN ang dapat ipatupad dahil iisa lang daw ang transaksyon at utang nila. Tama ba sila?

Mali.
Ang unang PN ay nakansela na ng ikalawang PN. Ang dating utang at interes sa unang PN na hindi nabayaran ay isinama na sa pangalawang PN na may malaking halaga, mataas na interes at maikling panahon ng pagbabayad. Pumayag at pumirma sina Tessie at Romy sa bagong PN na ito at malinaw naman sa sinasaad sa pangalawang PNP na kinakansela nito ang unang PN. Kaya ang pangalawang PN na may mataas na interes na 21 percent per annum ang bagong kontrata ng mga partido. Ang 21 percent per annum naman ay ayon din sa batas na umiiral na noong pirmahan nila ito. (Spouses Bautista vs. Pilar Development Corporation G.R. no. 135046 August 17, 1999).

Show comments