Kung sabagay, hindi naman kaila sa atin na itong si Pineda at Arroyo ay halos magkapitbahay lang sa Lubao, Pampanga kung saan nagsimula ang jueteng operations ng una. Iba talaga ang may pinagsamahan no? Kaya ang mga lugar na may operasyon si Pineda ay hindi binanggit sa jueteng hot spots ng DILG. Si Presidente Arroyo kaya ang dahilan, tanong lang? Pero gumagawa rin ng paraan itong si Pineda para nga maiwas niya sa eskandalo itong si GMA. At sa katotohanan lumalayo na ang operasyon niya sa Pampanga. Lumipat na siya sa Cavite, Rizal, Muntinlupa City at Las Piñas City. At ayaw ni Pineda na may kalaban, kinakasapakat ni Pineda ang mga hepe ng pulisya para pahirapan ang mga karibal niya at sapilitang magsara.
Ganyan ang nangyari sa Muntinlupa City na si Supt. Rolando Navarro, ang hepe ng pulisya. Sinabi ng aking espiya na matindi itong si Navarro dahil abot-langit kung manghingi ng lingguhang intelihensiya. Gusto ata ni hepe na maulit ang kaso ni Gerra Ejercito, ang pamangkin ni Erap kung saan nabulabog ang tabakuhan at na-relieve nga siya.
Para sa kaalaman ni PNP Chief Dir. Gen. Leandro Mendoza ang mga protektor at management ng intelihensiya ng jueteng ni Pineda sa Muntinlupa City ay mga pulis na sina Insp. Eladio Tagle at SPO2 Espino Arciaga. Kababalik lang nina Tagle at Arciaga matapos matapon noong panahon ni Sen. Ping Lacson sa probinsiya. Ang area manager ay si alyas Dindo, samantalang ang assistant niya ay sina Angel Francisco at Elmer Care, anang espiya ko.
Ang iba pang mga bataan ni Pineda ay sina Sebastian Soriano alias Boy Cris, Dolor Mapue alyas Mommy Dolor, Lando Lopez alyas Lando Fulgoso at alyas Tisay. Nagyayabang itong si Pineda na hindi magalaw-galaw ang operasyon niya dahil sanggang-diin siya kay Gen. Mendoza. Aber, sampolan mo nga siya Gen. Mendoza Sir!