Kaugnay ng kasong ito, lumitaw ang dating PAOCTF civilian agent na si Angelo Manaway alias Ador at nagpahayag sa pagkawala ni Bentain. Ayon kay Ador, kasama siya ng mga operatiba ng PAOCTF nang dukutin si Bentain sa harapan ng Grand Boulevard Hotel sa Manila.
Dinala umano si Bentain sa isang bayan sa Pampanga. Ibinaon umano nang buhay sa loob ng isang drum na puno ng semento. Umiiyak na nagmamakaawa pa umano si Bentain bago ito tuluyang ibinaon sa umaagos na lahar sa nasabing lugar.
Masasabing matibay ang mga pahayag ng testigo dahil nakita niya di-umano ang pagkakadukot kay Bentain ng ilang mga kalalakihan. At nakita pa raw nito ang mga mukha ng mga suspek.
Nasaan at ano nga ba ang nangyari kay Edgar Bentain? Marahil panahon na lamang ang makapagsasabi. Ngunit kung may katotohanan man ang mga pahayag ukol sa pagkawala at pagkamatay ni Bentain nararapat lamang ang kaukulang hustisya para rito.
Ngayon araw na ito alas-10 ng umaga ay ilulunsad ng pamilyang Bentain at VACC ang Justice for Edgar Bentain Movement na dadaluhan ng pamilya Bentain, VACC at iba pang NGOs. Gagawin ito sa labas ng Grand Boulevard Hotel, Roxas Blvd. Manila. Samahan nyo kami.