Ayon sa kasalukuyang batas, kailangang sumailalim sa ROTC ang isang lalaking estudyante sa kolehiyo bago ito maka-graduate. Ang nagtatapos nito ay awtomatikong malalagay sa listahan ng mga reserba sa Armed Forces of the Philippines. Nagsimula ito noong naghahanda ang Pilipinas sa World War II.
Matagal nang panahon na pinag-uusapan ang pagtanggal ng ROTC sapagkat wala naman itong silbi at hindi naman natutugunan ang talagang layunin nito. Imbes pa nga ay nagiging dahilan ito ng pangunguwarta ng mga namamahala at nagpapatupad ng ROTC.
Nabulgar ang kawalanghiyaan at kabulukang nagaganap sa pagpapairal ng ROTC nang mapatay si Mark Wilson Chua, isang engineering student ng University of Santo Tomas. Si Chua ang nagsiwalat na nakatatapos ang mga estudyante sa ROTC kahit ang mga ito ay hindi sumailalim sa totohanang programa sa pamamagitan ng panunuhol sa mga opisyal ng ROTC.
Kamakailan ay nagpahayag si Sen. Ramon Magsaysay, Jr. na maghahain siya ng panukala na magbubuwag sa ROTC. Sinabi nito na wala naman tayong pinaghahandaang digmaang magaganap na mangangailangan ng napakaraming reserbang sundalo. Isa pa, iilan lamang sa mga nakakatapos ng ROTC ang talagang interesadong magsundalo.
Sang-ayon ako sa pag-aalis ng ROTC. Boto ako na palitan ito ng isang programang tunay na makatutulong sa mga kabataan upang magkaroon ng damdaming maka-Diyos, makatao- at maka-bayan. Hindi ang pagsasanay para pumatay at iba pang paraan ng karahasan.