Nakagigimbal malamang pati ang mga alagad ng batas ay nauugnay dito gaya ng isiniwalat ni Ador. Paano nga ba madudurog ang mga salot na drug lord at pushers kung ang mga inaatasan palang manghuli ay sila pa ang tagapagkalat? Sabagay kahit na hindi banggitin ni Ador ang mga opisyales ng PAOCTF marami sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang sangkot sa illegal drugs. Marami sa mga bugok na opisyal nito ang kumakalong sa mga drug lords.
Nakatutuwang malaman na nagdeklara na ng pakikipaglaban sa illegal drugs si President Gloria Macapagal-Arroyo. Nag-isyu na ng Letter of Instruction (LOI) si GMA na nagsasaad sa kampanya ng pamahalaan laban sa mga nagpapakalat ng illegal drugs sa bansa. Ang illegal drugs ay Public Enemy No. 1 ng mga Pilipino at numero unong banta na rin sa seguridad ng bansa, nakasaad sa LOI na inisyu pa ni GMA noong July 4.
Lumaki nang parang halimaw ang sindikato ng droga at sinasabi pang ang kinikitang pera rito ay ginagamit naman sa pagtatayo ng negosyo. Tinatalo pa umano ng mga sindikato ng droga ang iba pang negosyante sa pagtatayo ng negosyo sapagkat bumubuhos ang kanilang mga pera. Isang katotohanang marami na nga ang lulong sa bisyo at mabentang mabenta ang kanilang "produkto".
Isang mabisang paraan na magagawa ni GMA upang maisalba ang Pilipinas sa illegal drugs ay atasan niya ang mga local officials na makipag-ugnayan sa bawat barangay. Target umano ng mga drug lords ang mga mahihirap na barangay. Kung ang mga namumuno sa barangay ay magiging matalas ang mata at pakiramdam madaling madudurog ang mga nagpapakalat ng droga. Isang problema lamang ay baka kasabwat din ang mga barangay officials.
Ang pakikipaglaban sa illegal drugs ay hindi na dapat ipagpaliban o ipagwawalambahala sapagkat kawawa ang bansang ito sa hinaharap. Hindi nararapat ang ningas-kugon sa problemang ito.