Magdesisyon ka Benipayo

Bakit ayaw magbigay ng hudyat itong si Comelec Chairman Alfredo Benipayo na isulong ang programa ng modernization sa kanyang tanggapan? Bakit ayaw ibigay ang kontrata sa nanalong bidder para malinis ang eleksiyon sa hinaharap?

Maraming mga opisyal sa Comelec ang ayaw daw ibigay ang kontrata sa Photokina Marketing Corporation ang nanalong bidder para sa mga computers at counting machines upang gawing makabago ang nasabing tanggapan.

Magulo kasi ang set-up sa Comelec ang mga opisyal dito ay hindi magkasundo kaya ang proyekto ay nababalam. Bayan ang unahin bago ang inyong pansarili para naman madama nang Noypi na nagpapakahirap kayo alang-alang sa bayan.

May mga commissioners ang ayaw ibigay ang kontrata sa Photokina Marketing Corporation kahit na ito ang nanalong bidder sa ginanap na public bidding noong isang taon pero may mga commissioner naman ang nagtaasan ang kilay kasi may pumapasok from the outside at ang gusto sa kanila ibigay ang kontrata.

Wala nang foreign investors na papasok sa Pilipinas kung ang sistemang ipinatutupad sa bansa ay palpak.

May nanalo pero ayaw naman ibigay ang kontrata. Bakit?

Si Senator-elect Juan Flavier ang bubusisi sa mga kapalpakan sa Comelec porke ayaw nitong pumayag na malugmok ang Pilipinas sa kagaguhan lamang ng iilang opisyal ng gobyerno.

Paano kung walang foreign investors na mamuhunan sa bansa sa nangyayari diyan sa Comelec?

Sila ba ang maghihirap? Tiyak ng mga kuwago ng ORA MISMO na hindi porke mayayaman ang ilang opisyal dito at si Juan dela Cruz ang makukuba sa palpak na sistema.

Kaya habang maaga pa Mr. Benipayo magdesisyon ka. Magpulong kayo sa en banc at magpalabas ng maayos na pasya para matapos na ang gulo sa tanggapan mo.

‘‘Kakampi ka ba ng Photokina?’’ Tanong ng kuwagong Kotong cop. ‘‘Hindi?’’ sagot ng Chief Kuwago.

‘‘Bakit kinakampihan mo ito?’’ Tanong ng kuwagong naghuhukay ng kanyang sariling libingan.

‘‘Maayos ang sistema ng nangyaring subastahan kaya dapat ibigay sa kanila ang dapat sa kanila porke legal ang nangyari at walang lutuang naganap.’’

‘‘Siguro gusto nilang isabotahe ang gobyerno ni Prez Gloria para walang foreign investors na pumasok sa Pilipinas?’’

‘‘Baka.’’

‘‘Paano kung mawalan ng gana ang foreign investors?’’

‘‘Bahala silang managot!’’

‘‘Kay GMA?

‘‘Hindi!’’

‘‘Kanino?’’

‘‘Sa mga bandidong Abu Sayad!’’

‘‘Bakit?’’

‘‘Wala na kasi silang maki-kidnap!’’

Show comments