Mag-ipon ng kaibigan

Dalawang radio announcer ang madalas kong maringgan ng payo: Mas mag-ingat ka sa kilala mo. Ba’t sila ganoon? Dala kaya sila sa mga kamag-anak at ka-opisinang nang-gantso? Talaga namang ganoon di ba? May mga malapit sa ’yo na nang-aabuso. Pero masarap pa ring mag-ipon ng maraming kaibigan. Naalala ko ang isang tunay na pangyayari.

Hirap na magsasaka si Fleming sa Scotland. Nagbubukid siya isang araw nang maulinigan ang sigaw ng saklolo sa karatig na latian. Itinapon ang gamit at tumakbo sa swamp. Nakita niya ang isang batang lubog na hanggang bewang sa kumunoy. Sinalba niya ito mula sa unti-unti ngunit tiyak na kamatayan.

Kinabukasan pumasyal ang isang maharlika sa dampa ni Fleming. Ama ito nu’ng bata. ‘‘Gusto kitang bigyan ng pabuya sa pagligtas mo sa anak ko,’’ aniya. Sagot ni Fleming, ‘‘Hindi tamang tumanggap ng bayad para sa ginawa ko.’’ Tiyempong dumaan ang binatilyo ni Fleming. ‘‘Anak mo siya ’no?’’ tanong ng maharlika, ‘‘pagbigyan mo ’ko. Tutustusan ko ang pag-aaral niyang katumbas ng sa anak ko. Kung ang batang ’yan ay sing-tatag ng ama niya, tiyak kong may maipagmamalaki tayo pareho.’’

Pinasok nga ang anak ni Fleming sa pinaka-mahuhusay na paaralan. Nagtapos siya sa St. Mary’s Hospital Medical School sa London at tumanyag sa mundo bilang Sir Alexander Fleming, ang naka-diskubre ng penicillin.

Ilang taon ang lumipas, nagkaroon ng malubhang pneumonia ang anak ng maharlika na nasalba sa kumunoy. Ginamot siya ng penicillin ni Sir Alexander. Sino nga ba ’yung maharlika? Si Lord Randolph Churchill. ’Yung anak niya, si Sir Winston Churchill, prime minister ng Britain.

Tiyempo lang kaya ang mga pangyayari? O sadyang pinagtatagpo ng Diyos ang landas ng mga nilalang para ipakita ang kahalagahan ng kabutihang-asal at pagkakaibigan? Maraming ganyang kuwento. Kaya’t mag-ingat na huwag abusuhin ang kakilala.
* * *
Lumiham sa Pilipino Star NGAYON o sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments