Pamimingwit ng "big fish" II

Masigasig ang kaibigan kong si Babe Pulido sa hangarin n’yang masingil ng gobyerno ang malaking tax deficiency ng Kenstar Industrial Corporation na nagkakahalaga ng P300 million.

At bagamat naisulat na natin ang tungkol sa kasong ito sa nakalipas na isyu ng kolum na ito, nais din nating i-followup porke sa kabila ng demand letter ng BIR na naniningil sa negosyanteng si William Gatchalian para bayaran bago sumapit ang Mayo 7 ng taong ito ang naturang halaga, wala pa ring pumapasok na koleksyon sa kaban ng Bureau of Internal Revenue.

Ang sangay ng BIR sa Valenzuela City ang naglabas ng order komo ang kompanyang under question ay naroroon.

We get the impression na parang may unholy alliance si Gatchalian sa ilang opisyal sa BIR kaya napababayaang uncollected ang naturang unpaid tax.

Maliit na halaga kung tutuusin. Pero kung pagsasama-samahin ang mga nadadayang buwis ng mga impluwensyal na multi-bilyonaryo sa kaban ng gobyerno, napakalaking halaga iyan.

Sapat para bigyan ng disenteng tahanan at pakainin ang mga mahihirap. Sapat para makapagpatayo ng karagdagang school buildings para sa mga estudyanteng nagtitiyagang mag-aral sa lilim ng punong-kahoy. Sapat din marahil para itaas ang sahod ng mga guro, pulis, kagawad ng pamatay-sunog at pabutihin ang serbisyon publiko.

Si Mr. Pulido ay ilang ulit nang dumulog sa atin. Kahit may vested interest siya komo umaasa siya sa porsyentong matatanggap niya bilang informer, naging interesado ako sa kaso dahil sa nakikita kong paghihikahos ng ekonomiya na ang naaapektuhan ay taumbayan. Paghihikahos na hindi dapat mangyari kung walang mga tiwali sa gobyerno na nakikipagsabwatan sa mga gahamang negosyante na umiiwas magbayad ng tamang buwis.

Matapos lumabas ang ating pagpuna sa kasong ito sa nauna nating kolum, nag-followup si Mr. Pulido sa BIR.

Nakausap niya si Edwin Abella na Chief of Staff ni BIR Commissioner Rene Bañes na nagpahayag din ng pagkairita matapos malamang hindi kumikilos ang BIR Valenzuela para kolektahin ang hinahabol na buwis kay Gatchalian.

Si Abella ay dating hepe ng Tax Fraud Division ng BIR at umaasa tayo sa kanyang intercession para tuluyang makapagbayad ng obligasyon si Gatchalian. Alam kong hindi naman lahat ng may mataas na tungkulin diyan sa BIR ay bugok. Mayroon ding may mabubuting kalooban at kailangan lang maipagbigay-alam sa kanila ang iregularidad para maaksyonan.

Aniya kay Pulido, kung hindi pa nangungulekta ang collection division ng BIR sa Valenzuela sa pamumuno ni Jay Trillana, dapat ibalik sa Quezon City office ang docket ng kaso at siya ang bahalang mag-followup dito.

Sabi niya, dapat padalhan na ng warrant ang kompanya ni Gatchalian dahil wala naman itong iniharap na protesta o paliwanag kaugnay ng ipinadalang demand letter.

Aasahan natin ang tulong ni Atty. Abella kaugnay nito.

Kung tutuusin, sa administrasyong ito lamang ni Presidente Arroyo umusad ang kasong ito at sana’y tuluy-tuloy na ang mga gagawing pag-uusig sa lahat ng mga tax fraud cases sa kapakanan ng bangkaroteng kaban ng bayan.

Show comments