Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakilala ang mga biktima na sina Beth Untalan, Larry Adulfo, Rudy Fuentes, Sonny Santiago at Jun Barcelona, na pawang mga nagtamo ng mga bala ng 9MM at mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Naiwan ng mga suspect ang isang owner Jeep (DLF-980) at isang kotseng may plakang NSK 691 malapit sa pinangyarihan ng krimen. Naganap umano ang masaker sa bahay ni Chief Insp. Alex Navarette ng WPD. Gayunman wala naman daw si Navarette sa naturang lugar nang maganap ang krimen.
Malinaw na sa paglipas ng panahon, hindi maganda ang landas na tinatahak ng pamahalaan tungo sa kaayusan sa ating lipunan. Maging ang mga pulis ay nasasangkot na naman sa mga krimen.
Minsan nang nabuhayan ng loob ang taumbayan na muling manunumbalik ang kaayusan sa bansa sa pagbabalik ng parusang kamatayan noong 1994. Minsan ko nang nabanggit na kailangan nang makinig ang pamahalaan sa hinaing ng taumbayan. Wala nang ibang paraan ang pamahalaan kundi ipatupad ang mga batas kung nais pang maibalik ang kaayusang pang-ekonomiya at pang-seguridad sa bansa.
Kailangan nang ipatupad ng pamahalaan ang agresibong pag-uusig at paglilitis sa mga karumal-dumal na kaso, kung ayaw na bumalik sa isang kalagayang mahirap nang ayusin dahil sa dami ng mga problemang hinaharap.
Ang hustisya para sa mga biktima ng masaker sa Novaliches, ay isang hamon para sa pulisya at ganoon din sa iba pang awtoridad.