Bukod sa trapik na nilikha ng arraignment ni Estrada, daang libong piso rin ang ginastos ng Philippine National Police (PNP) para mapangalagaan ang kaligtasan ng dating Presidente. Sinabi ng PNP na gagastos sila ng P400,000 bawat araw habang dinidinig sa Sandiganbayan ang kaso ni Estrada. Ang halagang ito ay gagastusin sa pagkain, allowance at gasolina nang may 2,000 pulis na nakadeploy para sa seguridad. Sinabi ni PNP chief Director General Leandro Mendoza na malaking pasanin ang pagbibigay ng security subalit wala silang magagawa kundi sundin ang iniaatang sa kanilang responsibilidad. Tinanggihan ng Sandiganbayan ang kahilingan ng PNP na sa VMMC na lamang isagawa ang trial ni Estrada at anak nitong si Jinggoy.
Naghihirap ang bansa, walang tigil ang pagtaas ng langis at kung anu-ano pang kahirapan ang sumasapit. Ngayoy ang gastusin at abala sa trapiko ang papasanin ng taumbayan habang nililitis si Estrada. Sa buwis din ng taumbayan kukunin ang panggastos para pangalagaan ang seguridad ng Presidenteng nahaharap sa pandarambong sa pera ng bayan at pandaraya. Apektado ng trapik ang taumbayang papasok sa kanilang mga trabaho.
Kung daang libo ang gagastusin sa pagbibigay ng security kay Estrada gaya ng sinabi ng PNP, mas makabubuting sa VMMC na nga lamang gawin ang trial. Mas praktikal ang paraang ito kaysa gumastos na ang taumbayan din ang sasagot. Tutal, ayon naman sa PNP ay may auditorium ang VMMC na maaaring maglaman ng 500 katao. Hindi ba sapat na ito para gawing court room? Wala nang mangyayaring trapik sa Commonwealth ay wala pang gaanong gagastusing pera para sa seguridad. Makaiiwas ang taumbayan sa paghihirap.
Makita sana ng Sandiganbayan ang praktikalidad sa sitwasyong ito. Ang mahalagay patas na maisasalang sa Korte si Estrada at maipagtatanggol ang kanyang sarili.