Ibig sabihin, sa bawat sampung piso sa suweldo mo ay piso ang ibibigay mo sa simbahan.
Kung ang sahod mo sambuwan ay P10,000, ang ibibigay mo sa simbahan ay P1,000. At habang lumalaki ang suweldo mo, lalaki rin ang ikapung bahaging ibibigay mo sa simbahan.
Ang tithing ay malaon nang ginagawa ng mga Kristiyano. Ito’y hango pa sa tagubilin ng Old Testament na ang ikapung bahagdan ng kinikita ng mga sinaunang Hudyo ay dapat ipagkaloob sa templong sambahan.
Sa mga simbahang protestante at sa mga Charismatic "Born Again" churches ay malaon nang practice ang pagkakaloob ng ikapu.
Ang ikapu ay kaiba sa offering. Ang tinatawag na love offering ay kusang loob na paghahandog ng mananampalataya ng halagang naipasya ng kanyang puso.
Pero ang ikapu ay hindi offering kundi talagang bahaging para sa gawain ng Diyos sa ikasusulong ng Iglesia.
Kaya ang sabi ng Salita ng Diyos, ang hindi pagkakaloob ng ikapu ng mananampalataya ay katumbas ng "pagnanakaw" sa kaban ng Panginoong Diyos. Iyan ang paniniwala sa maraming Christian Churches maliban sa ilan na ang doktrina’y nagsasabing magbigay lamang ng "naaayon sa ipinasya ng iyong puso"dahil ang Panginoon ay nalulugod sa isang "cheerful giver."
Iyan ang pinaniniwalaan ng Iglesia ng Diyos na pinamumunuan ni G. Eli Soriano na walang habas na tinutuligsa ang mga lider ng simbahang nag-oobliga sa kanilang mga followers na magbigay ng tithe.
Sa isang banda, hindi masisisi si Soriano dahil may ilang church leaders kuno na corrupt.
Marahil nga, kung ang isang mananampalataya’y magkakaloob ng tithe nang labag sa kanyang puso, ito’y nagiging kasalanan pa kaysa pagpapala.
Ngunit kung ang mananampalataya ay maligaya sa pagbibigay ng ikapu o higit pa, sino tayong sasansala sa pasya ng kanyang kalooban? At hindi mapasusubalian ang testimonya ng maraming tithe givers hinggil sa biyayang tinatamasa nila sa Diyos dahil sa kanilang faithfulness sa pagbibigay ng ikapu.
Mayroong kasaysayan tungkol sa may-ari ng kompanyang tagagawa ng Colgate na isang Kristiyano. Noong una’y sampung porsiyento raw ang ibinabahagi niya sa kanyang simbahan at dahil deboto siya sa gawaing ito, hinipang parang lobo ang kanyang negosyo.
Ipinasya niyang mahigit sa sampung porsiyento ang ibigay niya sa simbahan at lalo pang lumago ang kanyang negosyo hanggang sa maging isang higanteng business empire sa buong daigdig.
Walang humpay sa paglago ang negosyo ng taong ito hanggang sa 90 porsiyento ng kanyang kabuuang kita ang ipinagkakaloob niya sa gawaing palaganapin ang Salita ng Diyos at sampung porsiyento na lamang ang para sa kanya pero siya’y patuloy pa ring pinagpapala at nabubuhay sa kariwasaan.
Sa harap ng balitang ang tithing ay ipatutupad sa Catholic Church, maraming Katoliko ang nasindak. May mga Catholic charismatic group tulad ng kay Mike Velarde ang nagpa-practice na ng tithing pero karamihan sa mga Katoliko ay ignorante pa tungkol dito.
At sa patuloy na paghirap ng kabuhayan kaakibat pa ng pagtaas ng binabayarang buwis sa gobyero, ang nakikita ng mga Katoliko ay ang pagliit ng kanilang sahod at pagkabawas ng buying power ng salapi. Hindi ang grasyang matatanggap sa kaitaasan dulot ng pagbibigay ng tithe.
Kaya marami sa kanila ang ngayo’y napapabulalas ng POR DIYES PORSIYENTO!