Ngayo’y may panibagong pagbabanta ng pambobomba sa Metro Manila ayon sa intelligence report ng Armed Forces of the Philippines. Ang mga magsasagawa umano ng pambobomba ay ang mga bandidong Abu Sayyaf. Sinabi ng AFP na ‘‘kumanta’’ ang isang nahuling operative ng mga bandido at isiniwalat nito ang gagawing pambobomba sa mga matataong lugar sa Metro Manila.
Bago naganap ang malagim na bombing noong December 30, kumalat ang bali-balitang mayroon ngang pambobombang gagawin dito sa Metro Manila. Subalit hindi naging maagap at naghanda ang mga awtoridad partikular ang PNP na ang layunin ay protektahan ang mamamayan. Nasorpresa ang mga "natutulog sa pansitan" sa sunud-sunod na pambobomba. Nataon ang pambobomba sa kasagsagan naman ng impeachment trial ni dating President Estrada. Walang ginawang hakbang ang napatalsik na Presidente kung paano malulutas ang malagim na pambobomba. Hanggang ngayon, nakatingin sa kawalan ang mga kawawang biktima ng pambobomba na karamihan nga ay mga bata. Hindi nila alam kung kailan makakamit ang hustisya.
Bagamat nabulgar na ang plot ng mga Abu Sayyaf, hindi ibig sabihin nito ay tatanghod na lamang ang PNP at ang pansin ay itutuon na lamang sa mga Estrada loyalists na nagbabanta na naman umanong lumusob sa Malacañang. Kahit nabulgar na ito, maaaring makagawa ng paraan ang mga bandido na gumapang dito sa Metro Manila at magsabog ng lagim. Bukod sa pagbabantay sa mga Estrada loyalists at pag-aasikaso sa mga "intelihensiya" nararapat na bantayan ng mga pulis ang mga matataong lugar. Sa mga LRT stations ay kadalasang naghihigpit lamang kapag may sumabog na. Ningas-kugon na sa dakong huli. Mas malagim ang ihahatid ng mga bandido kaysa sa mga haka-hakang ibabagsak ng mga kalaban sa pulitika ang kasalukuyang gobyerno. Huwag nang hayaang makagapang pa ang mga bandido. Siguruhin sana ito ng PNP.