Pero tingnan din naman ang isang study ng UP so-ciologists. Ang mga lalaking Pinoy daw, lalo na ’yung mahihirap, winawaldas ang 20¢ sa bawat P1 kita  P20 bawat P100, P200 bawat P1,000  sa alak. Ngek!
Dala raw ito ng eskapismo. Hindi rin lang sapat ang maliit na kita para makaangat sa karukhaan. Kaya tinatakasan na lang ang problema sa pamamagitan ng ilang oras na pagkalango. At least daw, masaya at may pakanta-kanta pa.
May isa pang study naman ang mga credit card companies. ’Yung mga mayayamang lalaking Pinoy naman, kada angat ng buhay, kalahati ng kita ang winawaldas sa good time. Ang karaniwang palipasan daw ay chicks; ibinabahay pa.
Eskapismo rin kaya ito? Tinatakasan kaya ang problema, tulad ng tumatabang misis, naglolokong anak, nakaka-stress na opisina? Baka.
Hindi naman sa nagmamalinis o nagmamagaling. Pero para sa akin, hindi na basta eskapismo ito. Kayabangan na. Kapag patuloy na lumalaki ang kita at tumataas ang tayo sa lipunan, naiisip na kakaiba na sila sa kapwa. Natutuksong baliin ang batas, suwayin ang magagandang utos. Iginigiit na may "k" sila dahil bigshot na.
Maraming ganyang government officials. Hindi lang mabababang numero ng plaka ang sinasabit sa kotse. Tinatambalan pa ng titulo ang pangalan. May nakabuntot na bodyguard, may nakapulupot na chicks. Nakakalimutan na ang Diyos. Nakakalimutan ang dinasalang Maylikha nu’ng hindi pa umaangat. Nakakalimutang magsimba. Nakakaligtaang maglaan ng 10¢ man lang sa bawat P1 kita para sa limos at simbahan.