Matapos ang anim na taong pagsisikap ng bounty hunter na si Babe Pulido para patunayang may tax delinquency ang plastic king na si William Gatchalian na umaabot sa P300 milyon mula lamang sa kompanyang Kenstar, nagpalabas ng demand letter ang BIR Valenzuela office kamakailan.
Inaatasan si Gatchalian na magbayad ng kabuuang P300 milyon sa pamahalaan bago sumapit ang Mayo 7 ng taong ito. Pero ang masaklap ay hindi pa nagbabayad umano ni isang kusing si plastic king.
Dapat itong malaman ni BIR Commissioner Rene Bañez na personal na tumiyak kay Pulido na maaaksyunan ang kaso.
Panahon pa ni Commissioner Chato ay trinabaho na ni Pulido ang kasong ito at ang dahilan ay ang porsyentong matatanggap niya sa pamahalaan. At wala namang masama riyan. Ayon sa batas, ang mga informers na makapagtuturo ng "big fish" na hindi nagbabayad ng tamang buwis ay binibigyan ng pabuyang 15 porsyento.
Sa panig naman natin, our main concern ay makatulong sa pamahalaan sa pangungulekta ng mga delinkuwenteng buwis mula sa mga malalaking negosyante na dahil sa impluwensya’y nakukuhang dayain ang pamahalaan ng bilyun-bilyong buwis.
Napaka-unfair kasing isipin na ang mga ordinaryong empleyado ay mabilis na nakakaltasan ng buwis sa kanilang kapipiranggot na suweldo habang may mga big time businessmen na nagogoyo ang kaban ng bayan ng bilyun-bilyong piso. Nakakairitang isipin talaga!
Mantakin mo na mamili ka lang ng kakailanganin mo o kumain sa restawran ay may E-VAT pang babayaran. Ano mang buwis na ipataw sa mga negosyante ay ikinakarga rin sa taumbayan. Balikan natin ang ating topic.
Inabutan ng rehimen ni Erap ang kaso kaya nabinbin porke itong si Gatchi ay sinasabing malakas kay dating Presidente Estrada.
Nawalan na nga raw ng pag-asa si Pulido. Pero nang maupo si Gloria Arroyo bilang Pangulo ay nabuhay ang naghihingalong pag-asa ni Pulido.
At hindi siya nagkamali. Nang magpunta siya sa tanggapan ni BIR Chief Bañez, walang atubiling tumulong ang hepe ng Rentas Internas.
Inilipat ang docket ng kaso sa BIR office sa Valenzuela City komo ang kompanyang under question ay nasa naturang lungsod.
Hindi nagtagal ay may demand letter na kay Gatchalian ang BIR.
Alam kong sinsero ang pamunuan ng BIR sa paniningil kay Gatchalian. Pero baka may mga lower ranking personnel ang tanggapan na naaambunan ng lagay mula sa mga tauhan ni Gatchalian kaya hindi napa-followup ang pangungulekta.
Isa lamang ang Kenstar sa maraming negosyo ni Gatchalian at ang hinahabol na salapi ng gobyerno’y posibleng ni hindi ga-patak kung pagsasama-samahin ang iba pang tax na dapat niyang bayaran.
Kung ang nakaraang administrasyon ay napaikot ni Gatchalian, siguro nama’y mas may integridad ang mga kasalukuyang umuugit ng gobyerno. Harinawa!