Kasi raw, maraming mga traders ang natataranta sa pagtaas ng kriminalidad sa bansa kung kaya’t nagsisimula nang mamakyaw ng dolyar.
Ang iba pa nga raw Chinese businessman ay nag-aalsa-balutan na sa Pilipinas na lalong nagpapatindi sa ating economic problem.
At di na natin kailangang bigyan diin na ang puno’t dulo nito ay ang lagim na inihahasik ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Mindanao.
Sa kabila ng pahayag ng Malacañang kamakailan na bumababa raw ang criminality rate sa bansa, nakikita ng taumbayan ang kabi-kabilang krimen na nagaganap sa bansa.
Pati nga pang-aagaw ng cellphone ay nagiging bigtime crime dahil tinataya na 500 cellphones ang nananakaw araw-araw.
Kamakailan ay kinidnap ng mga naka-uniporme ng pulis ang isang anak-mayaman sa loob mismo ng UP compound sa Diliman, Quezon City at ang amang trader ng biktima ay inatake umano sa puso matapos magbayad ng malaking ransom.
At tila pati gobyerno’y natataranta na rin sa pag-react sa ganitong sitwasyon.
Mantakin ninyong matapos ang insidenteng ito ng pangingidnap kay Mary Grace Cheng Rogasas, nagsalita sa telebisyon ang Presidente upang magbigay ng insinuation na ang pangingidnap ay moro-moro lamang na ang layuni’y hiyain ang pamahalaang Arroyo at maghasik ng "destabilization."
Natural, napakasakit na akusasyon nito sa pamilya ng biktima. Para bang sila’y nagpagamit sa mga elementong nais ibagsak ang pamahalaang Arroyo.
Pero mabuti’t nagpakumbaba si Presidente Arroyo. Humingi siya ng paumanhin sa nabiktimang pamilya.
Ang ayaw ko sa administrasyong ito’y tila ginagawang excuse ang destabilization effort ng kalaban sa politika sa tuwing lumalantad ang kahinaan nito.
Kahit gaano pa katino ang isang administrasyon, mayroon at mayroong magtatangkang ibagsak ito.
Ngunit kung ang namumuno’y mahusay at marunong mamahala, hindi magtatagumpay ang ano mang tangkang ang gobyerno’y ibagsak.
Hindi paninisi sa kalaban ang dapat gawin ng Pangulo kundi konkretong aksyon para pataubin ang ano mang masamang balak ng political opponents. Ika nga, less talk and more action.
Ang sino mang leader ay sing-lakas lamang ng suporta ng mga taong nakapalibot at kasama niya sa pamamalakad.
Kaya dapat kilatising isa-isa ng Presidente ang kanyang mga opisyal. Baka mayroon pa riyang ang loyalty ay wala sa kanya.