ALAY-DANGAL - Kapistahan ng puso

Ngayon ay kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Jesus. May mga nagsasabi na ang salitang ‘‘Sacred Heart’’ ngayon ay nagkakaroon ng napakakaunting kahulugan.

Kailangang magkaroon ng panibagong simbolo na tuwirang magsasabi sa atin ng ‘‘dakilang pagmamahal ni Jesus para sa sangkatauhan.’’ At lalo’t higit para sa mga taong nalulong sa kasalanan. Ang Ebanghelyo para sa kapistahan ngayon ng Kabanal-banalang Puso ni Jesus ay nagbibigay sa atin ng ganoong simbolo.

Basahin, tingnan at danasin ang napakalaking pagmamahal ni Jesus sa atin (Lukas 15:3-7).

‘‘Kaya’t sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito:

‘‘Kung ang sinuman sa inyo ay may 100 tupa, at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Iiwan ang 99 sa ilang at hahanapin ang nawawala hanggang sa matagpuan, hindi ba? Kapag nasumpungan na’y masaya niyang papasanin ito. Pagdating ng bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, ‘‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat na sumpungan ko sa wakas ang nawawala kong tupa.’’ Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi’t tumatalikod sa kanyang kasalanan kaysa 99 na matuwid na hindi nangangailangang magsisi.’’


Nang si Jesus ay naging tao, siya ang unang gumawa ng hakbang upang hanapin ang mga makasalanang tulad ko at ninyo. Ipinadama ni Jesus ang malaking pagnanais niya na ibalik sa tahanan ng Ama ang makasalanan, sa pamamagitan ng talinghagang ito tungkol sa mabuting pastol na humahanap sa nawawalang tupa. Isipin ninyo sumandali ang malaking tuwa ng puso ni Jesus nang kayo’y magpasya, sa tulong ng kanyang grasya, na buksan ang inyong puso na tanggaping muli ang Panginoon sa inyong buhay. Sa totoo lang. Ang Diyos ay ganap na maligaya sa kanyang sarili. Ang galak ng Ama at galak ng Anak ay nagmumula sa katunayan na kayo ay muling nakikibahagi sa buhay at ganda na nasa inyong puso.

Ang pagmamahal na ito ng Mabuting Pastol na naghahanap sa nawawalang tupa ay simbolo ng pagmamahal ng Diyos sa inyo, sa akin at sa lahat ng mga makasalanan. Oo, minamahal kayo ni Jesus.

Show comments