Sinubukan ito ni dating Presidente Ramos at naparatangan siyang may personal na interes para mapalawig ang panunungkulan.
Kaya ang ginawa ni Ramos ay inilagay na lang sa "back burner" o isinaisantabi ang ideyang ito.
Nanguna pa nga ang nooy bise presidenteng si Joseph Estrada sa pagsalungat sa intensyon ni Ramos na susugan ang Konstitusyon.
Naging Presidente si Estrada. Hindi naglaoy napagkuro niyang talagang maraming butas ang Saligambatas na dapat matakpan. Pinalutang muli ang ideyang charter change at siya naman ang binatikos ng ilang sektor.
Everytime na lulutang ang konseptong amyendahan ang Konstitusyon, may umaalma. Nag-aakusa sa sino mang Pangulong nagbubunsod nito na may "makasariling interes." Kaya iyan ang dilemma ng sino mang Pangulo.
Ang kasalukuyang Konstitusyon ay produkto ng isang bagong pamahalaan na nag-aapurang maibalik ang demokrasya. Ang mga bumuo ng kartang ito ay ni hindi inihalal ng taumbayan kundi itinalaga lamang ng Presidente ng isang revolutionary government sa katauhan ni Cory Aquino.
Kaya masasabing apurahan ang pagbalangkas sa umiiral na Konstitusyon. Hindi natin sinisisi ang mga constitutionalists na bumalangkas sa kartang ito sa pamumuno ni Cecilia Munoz Palma. Maaaring sa biglang tingin ay maayos ito kung babasahin.
At hindi rin naman mapasusubalian ang karakter at magandang reputasyon ng mga taong ito na bumuo sa tinawag na Constitutional Commission.
Pero may kasabihang the test of the pudding is in the eating. Nasubukan natin sa nakalipas na panahon ang Konstitusyong ito at nakita natin ang mga depekto. Walang masama kung isasaayos natin ang mga depektong ito para hindi na nagkakaroon ng tinatawag na constitutional crisis ang pamahalaan sa sari-saring isyu na kinakaharap nito.
Sa issue na lang ng Abu Sayyaf ay parang nakagapos ang kamay ng militar sa paghawak sa kasong ito sa pangambang lalabag ito sa ilang probisyon ng Konstitusyon. Habang patuloy na nananalasa ang mga bandidong itoy limitado naman ang magagawang aksyon ng mga awtoridad na parang nananalunton sa makipot na lubid.
Ibig ng militar na magpatupad ng martial law sa Basilan pero tila walang malinaw na probisyon dito ang Konstitusyon.
Oo. Dapat talagang amyendahan ang Konstitusyon. At tama si Manila Mayor Lito Atienza. Kailangang gawin ito sa pamamagitan ng Constitutional Convention. Ngunit kung si Presidente Arroyo ang mag-iinitiate ng ideyang ito, natitiyak ko na maglilisaw ang mga sektor na babatikos sa kanya. Sasabihing nais niyang mangyari ito dahil ibig maglaon sa kapangyarihan.
Nauuwi sa political bickering kapagka tinalakay ang usapin sa charter change tuloy, ang nagdurusa ay ang Inambayan. Kung walang pinunong kikilos towards charter change, kailan pa maaayos ang ating palpak na sistema?