Natagpuan ang bangkay ni Mark sa Pasig River noong Marso 19, apat na araw makaraang itong mawala. Hinango mula sa ilog ang kanyang bangkay na nakabalot ng packing tape ang buong ulo at may nakasaksak pang tela sa bibig nito.
Ang pagkawala at pagkamatay ni Mark ay naganap matapos nitong ibulgar ang diumanoy katiwaliang nagaganap sa ROTC sa UST kung saan siya kumukuha ng Engineering. Ayon sa ama ng biktima na si Welson Chua, nagbuwis ng buhay ang kanyang anak magising lamang sa katotohanan ang kinauukulan ukol sa problema sa ROTC.
Ilang buwan matapos ang insidente, wala pang malinaw na direksiyon na tinatahak ang kaso. Patuloy ang paghihinagpis ng pamilya ng biktima sa paghahanap nila ng hustisya.
Masakit tanggapin para sa biktima ng karumal-dumal na krimen na mapatawan lamang ang kriminal ng kaparusahang hindi naangkop sa krimeng nagawa, bagamat alam naman nating lahat na may parusang kamatayan para sa ganitong uri ng krimen.
Naririyan ang mga batas ukol sa pagpapataw ng kaparusahan sa mga karumal-dumal na krimen, na sa kasamaang palad ay hindi naman lubos ang pagpapatupad. Ang napakaraming mga palugit na ibinibigay sa mga nahatulan na ng bitay ay tila nagiging hadlang sa pagpapatunay sa ilan sa ating mga kababayan na ang parusang kamatayan ay totoo nang epektibo sa pagbabawas ng kriminalidad sa Lipunan.
Ngunit nananatili pa rin ang tanong ng mga naiwan ng biktimang si Mark Chua. Kailan pa kaya mabibigyan ng hustisya ang kanilang anak?