^

PSN Opinyon

Napahiya si Prez GMA

-
"Dudurugin ko kayo. Isang bala na lang kayo. Wala na kayong matatakbuhan."

Ilan lamang iyan sa matatapang na salitang binigkas (on public TV) ni Presidente Gloria Arroyo. Pero hayan at tila lalong sumasahol ang perhuwisyong dulot ng mga hinayupak na Abu Sayyaf.

Hindi ko sinisisi ang Presidente. Kampante siyang wala nang tatakbuhan ang malaking tropa ng mga bandido na nasalikupan na ng militar habang nagkanlong sa isang kapilya sa Basilan.

Ngunit nakatakas pa ang mga diyaske! Bakit?

Ayon sa mga kawal na pumalibot na sa kapilya, bigla silang tinawag para sa isang "briefing" ng nakatataas sa kanila. Of course, sinamantala ito ng mga bandido! May kasapakat ba sa militar ang mga tulisang ito? Ayokong isipin iyan.

Ngayon ay ipinangangalandakan ni Sabaya, pinuno ng mga bandido na pinugutan na ng ulo ang isa sa mga Amerikanong bihag.

Bakit napakagaan ng kamay ng mga bandido sa pagkitil sa buhay ng tao. Ano ba talaga ang kanilang ideyolohiya?

Nais daw idiin sa utak ng pamahalaan ni Sabaya, na determinado itong matamo ang hinihingi sa gobyerno na iatras ang opensiba at magpadala ng Malaysian negotiator sa katauhan ng isang dating Senador ng Malaysia.

Itinatanggi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF)na ka-alyado nito ang Abu Sayyaf. Katunayan kinokondena pa nga ng MILF ang Abu Sayyaf sa mga buktot na gawain ng huli na "labag sa prinsipyo ng Islam."

Ngunit patuloy ang mga haka-haka na nagtatagumpay sa gawain nito ang mga Abu Sayyaf dahil tinutulungan ng MILF. Sana’y hindi totoo ang hinala. May isinusulong pa namang negosasyong pangkapayapaan ang MILF at ang pamahalaan.

Sa harap ng akusasyon ng militar na may tactical alliance ang MILF at Abu Sayyaf, ilang ulit nating napakinggan sa radyo at telebisyon ang tagapagsalita ng MILF na si Atty. Eid Kabalu na tahasang nagpapasinungaling sa alegasyon.

Kung ibig patunayan ng MILF na hindi totoo ang hinalang ito, marahil dapat itong magkusang tumulong sa militar sa pagsugpo sa gawain ng bandidong grupong ito. Marami nang buhay na ibinuwis ang mga sundalo ng Armed Forces.

Hindi natin masisisi ang militar, bagkus dapat pa ngang hangaan ito sa patuloy na pakikibaka sa mga elementong mapanligalig kahit pa sila nahihirapan. Ngunit mahirap makipagdigma sa teritoryo ng kalaban. Hindi kabisado ng militar ang pasikut-sikot sa kabundukan at kagubatan ng Basilan. At kahit sa kapatagan, halos kasangga ng mga kalaban ang mga sibilyang naninirahan sa lugar.

Ang mga mandirigma lamang ng MILF (kung totoong hindi sila kasangga ng Abu Sayyaf) ang maaaring itapat sa mga bandido. Sobrang perhuwisyo na ang naidulot ng kanilang kabuktutan.

Ano nga kaya ang layon ng mga bandidong ito? Siguro...siguro lang...ibig nitong sumuko ang pamahalaan at kusang ibigay ang bahagi ng Mindanao sa mga Bangsa Moro na nakikipaglaban para gawing separadong republika ang Mindanao na tatawaging Bangsa Moro Republic.

ABU SAYYAF

ANO

ARMED FORCES

BAKIT

BANGSA MORO

BANGSA MORO REPUBLIC

BASILAN

MILF

NGUNIT

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with