Ang pagdating ng masamang panahon ay nataong may ginagawa ang anim na magsasaka sa bukid. Kaya ang anim na magsasaka ay kumarimot ng takbo sa loob ng lumang kamalig sa gitna ng bukid.
Naghuntahan ang anim ng kung anu-anong paksa para dumaan ang oras habang pinahuhupa ang masamang panahon. Subalit lalo pang tumindi ang hangin at walang tigil ang buhos ng ulan. Patuloy ang kidlat at kulog.
Talagang galit ang Diyos, sabi ng unang matandang magsasaka. Hindi nangyayari ang ganitong biglang pangit na panahon maliban kung siya ay galit dahil may ginawang masama ang mga tao.
"Sang-ayon ako sa sinabi ni Tatang, sabi naman ng pangalawang magsasaka. Isa sigurado sa ating anim ang makasalanan kaya gusto niyang tamaan ng kidlat ang taong iyon.
Bakit ba hindi pa tirahin ng kidlat ang taong makasalanan para matapos na at makabalik tayo sa gawain sa bukid, susog naman ng pangatlong magsasaka.
Paano naman patatamaan ng Diyos ang makasalanan gayong kasama tayong mga walang sala? tanong ng pang-apat na magsasaka.
Mayroon akong mungkahi," sabi ng panglima. "Isabit natin ang ating mga sombrero sa labas ng kamalig. Ang unang ilipad ng hangin ang siyang makasalanan. Sa ganoon maaari nang umalis ang makasalanan at tamaan siya ng kidlat."
Lahat ay sumang-ayon maliban sa pang-anim at pinakabatang magsasaka. "Paano naman malalaman ang kasalanan sa sombrero? Tanong nito.
Nagalit ang limang magsasaka dahil kontrabida ang pang-anim. Pinagtulung-tulungan nila itong itinaboy palabas sa kamalig.
Lalong sumama ang panahon. Lumakas ang ulan at tumalim ang kidlat.
Nang 100 metro na ang layo ng itinaboy na magsasaka ay gumuhit ang napakatinding kidlat at tinamaan ang kamalig. Nasunog at namatay ang limang magsasaka na nagtaboy sa kasamahan nila.