Ayon kay Dr. Grace Carole Palacio-Beltran, isang dermatologist-genetologist, ang bulutong-tubig ay dulot ng Varicella-Zoster virus na nakukuha sa direct physical contact sa mga sugat ng bulutong-tubig at sa paglanghap ng infected droplets sa hangin.
Ang mga sintomas ng bulutong-tubig ayon kay Dr. Beltran ay ang mga sumusunod: Ang mga bata ay nakadadama ng panghihina ng katawan, sakit ng ulo at lagnat. Ang matatanda naman ay nakararanas ng panghihina, sakit ng ulo, walang ganang kumain, pananakit ng kasu-kasuan at kalamnan at lagnat. Mas malala ang bulutong-tubig kapag ang nagkakasakit ay tinedyer o mas matanda pa. Mas grabe ang singaw ng balat, mas matagal ang paglalangib ng mga sugat at kadalasan ay mas nagkakaroon ng komplikasyon kabilang na ang masagwang peklat sa mukha at sa ibang bahagi ng katawan na mananatili habang buhay.
Sinabi ni Dr. Beltran na kapag nagkabulutong-tubig na ay hindi na ito mauulit pero ang virus ay maaaring tulog sa katawan at pagkalipas ng matagal na panahon ay maaaring bumalik. Ipinapayo niya ang pagpapabakuna para makaiwas sa bulutong-tubig.