Matagal nang tapos ang digmaan laban sa mga Kastila, Hapones at Amerikano ngunit hindi nangangahulugang tapos na rin ang ating pakikibaka bilang isang bansa at isang lahi. Iba na ang labanan ngayon. Kung noon ang laban ay upang magapi ang mga dayuhan, ngayon ang laban ay sa loob ng bawat isang Pilipino. At ang layunin ay upang panandalian nating iwaksi ang ating pansariling interes para sa kapakanan ng bayan. Kung noon, handang magbuwis ng buhay ang ating mga ninuno para sa kalayaan, ngayon ay dapat handa rin tayong ibigay ang ating pakikiisa at suporta para sa kapakanan ng nakararami.
Marami sa atin ang namumuhay nang masagana at nagkikibit balikat sa paghihirap at kawalan ng ating mga kababayan. Marami rin sa atin ang namumuhay lamang para sa ating mga sarili at walang pakialam sa iba. Ito ang mga kaugaliang kailangan nating baguhin. Ang mga pansarili nating bakod ang kailangang gibain, upang tunay nating maramdaman kung papaano maging isang tunay na Pilipino.
Ang diwa ng kalayaan ay hindi natapos noong 1898 kundi buhay na buhay hanggang ngayon nag-iiba lang ito ng anyo. Ngayon, ang tunay na diwa ng kalayaan ay ang paglimot sa ating mga sarili para sa kapakanan ng ating bayan. Hanggat hindi natin ito nararamdaman hindi pa rin lubos ang ating kalayaan, mawawalan ng saysay ang ipinaglaban ng ating mga ninuno. Kung nagawang magbuwis ng buhay ang ating mga ninuno, magagawa rin nating makiisa at maging mapagparaya para sa ating bayan.