Ito’y batuhan umano ng mga pillbox, bote at bato ng mga estudyanteng miyembro ng magkatunggaling fraternities na nangyayari sa isang bilyarang pag-aari umano ng isang pulis na nakatalaga sa Station 7.
Ang bilyarang ito raw ang nagiging tambayan ng mga war freak na kabataan na gabi-gabi’y wala nang inatupag kundi maghasik ng lagim sa naturang lugar.
Ayon pa kay Bambi malamang na lango sa droga ang mga kabataang ito kaya nagiging bayolente.
Madalas daw ay makakarinig na lang ng malakas na pagsabog ng pillbox ang mga residente at kung reresponde ang mga alagad ng batas ay agad nakakatakas ang mga mapanligalig na kabataan.
Sana’y makarating sa kaalaman ng station commander ng presinto 7 ang reklamong ito para magawan ng aksyon.
Kung pulis nga ang may ari ng bilyarang ito, napaka-iresponsable mo naman ’tol at nagtayo ka ng ganyang negosyo malapit sa isang pamantasan, ang Mapua Institute of Technology.
Bago pa man tumawag sa akin si Bambi, nababalitaan ko na ang pagiging notorious ng naturang lugar sa mga rambol at riot.
Paminsan-minsan ay binibigyang daan natin sa kolum na ito ang ganitong mga reklamo porke lehitimo at kapakanan ng ating mga kababayan ang nakasalalay.
Tiyak ko na sa iba pang lugar sa Maynila, o maging sa labas ng Maynila ay may mga ganyang uri ng establisimiyento na sa kabila ng pagiging ilegal ay nakapag-ooperasyon dahil ang mga namamahala ay mga pulis mismo kung hindi man mga taong may kapit sa mga pulis.
Kay Manila Mayor Lito Atienza at sa iba pang mga bagong halal na alkalde sa buong Metro Manila, marahil iyan ang suyurin natin kung ibig nating umasenso ang ating mga nasasakupang bayan o lungsod.