Ngayon, hilung-talilong si Bong na mukhang ayaw pang tumanggap ng pagkatalo. Pero sa utak niya, alam niyang isa si Pagdilao sa dahilan sa pagka-semplang niya. Ilang ulit kong pinaalalahanan itong si Bong bago mag-eleksiyon na itong si Pagdilao ay bata ni Ping Lacson, ang dating hepe ng PNP na tumakbong Senador. Si Lacson ay kaalyado naman nina Maliksi at dating gobernador ng probinsiya na si Remulla. Pero hindi lang si Pagdilao ang dahilan para iwanan ng Caviteño si Bong. Ang pangunahin pang hinaing nila ay ang pagbaligtad ni Bong noong EDSA People Power 2 kung saan iniwan niya ang kanyang ninong na si Erap. Kung sabagay, hindi maaakusahan ng mga Caviteño si Bong na walang ginawa para mapaunlad ang probinsiya. Marami ring proyekto si Bong pero sa tingin ko, may mas malalim pang dahilan ang mga taga-Cavite kung bakit hindi nila ito ibinalik sa puwesto.
Marami ang nadamay sa pagkatalo ni Bong. Andiyan ang kanyang asawang si Lani na natalo sa pagka-mayor sa Bacoor at ang kanyang kapatid na si Strike na dating bokal ng probinsiya. Sa ngayon, nagso-soul searching itong pamilya ni Bong, kasama ang kanyang ama na si Sen. Ramon Revilla. Sana magaan nilang matanggap itong pagkatalo ni Bong na sa tingin ko ay may mahaba pang panahon para balikan ang pulitika. Kung sabagay, bata pa naman si Bong di ba? At itong si Maliksi naman, sa tingin ko ay ayaw danasin ang pagkakamali ni Bong.
Sa ngayon pa lang ay naghahanap na ng kapalit ni Pagdilao itong si Maliksi at sa tingin ko ang kandidato sa trono ng Cavite PNP ay itong si Supt. Paul Tucay. Si Tucay kasi ay nakita kong sinamahan mismo ni Lacson noong nakaraang linggo para kausapin si Maliksi. Halos apat na oras ang close-door meeting nila. Itong si Tucay ay dating opisyal ng Southern Police District (SPD). Naging kontrobersiyal siya ng ipinatapon niya sa malalayong probinsiya ang mahigit 27 kapulisan sa SPD dahil lamang sa di-pagkaunawaan.
Dapat magbago na ng ugali itong si Tucay kung gusto niyang makapuwesto sa bagong pamunuan ng PNP. Ang problema lang ni Tucay ay papayag kaya ang liderato ni Presidente Arroyo na loyal kay Lacson ang uupong hepe ng Cavite? Kasi dapat bata ni Arroyo ang uupong hepe hindi lang sa Cavite kundi maging sa Rizal, Bulacan at Laguna, na kung tawagin ay window nga ng Metro Manila.