Trabaho ora mismo

Edukasyon, hindi limos. ’Yan ang madalas nating marinig na sagot sa kahirapan. Hindi raw dapat bigyan ng isda ang taong gutom. Dapat daw turuang mangisda, para hindi na siya magutom. ‘Yung 65 porsiyentong mahihirap, dapat daw sanayin sa skills para makapag-trabaho sa mga pabrikang tinatayo ng local at foreign investors. Turuan na rin daw ng Ingles para makapagsalita ng tamang asal para makitungo, ng pagtitipid para makapag-ipon.

Nariyan na ko. Edukasyon nga ang kailangan in the long run, hindi lang ng mahihirap kundi ng kahit sino sa kahit anong antas-lipunan. Pero matagal na proseso ang edukasyon, lalo pa ngayong bumabagsak ang quality of instruction sa public schools. E papano naman ’yung doble na ang edad para mag-high school, may pamilya na, pero walang hanapbuhay at pangkain? Bigyan mo man sila ngayon ng libreng schooling, gutom pa rin, kapit pa rin sa patalim.

Ang kailangan nila – natin! ay trabaho ngayon din. Di bukas, di sa makalawa, di sa isa o dalawang taon matapos ang vocational course.

Pero nasaan ang trabaho? E wala namang investors na pumapasok sa Pinas. Kabado sila, kasi puro gulo at dakdak lang ang Pinoy.

Maraming pera ang gobyerno. Bilyun-bilyon ang nakatabi sa kung anu-anong banko. Natutulog lang at pinatutubuan ng interes. Pakawalan kaya ang perang ’yan. Mag-isip ng mabilis na projects at ipagawa sa 4.5 milyong na-layoff nu’ng panahon ni Erap.

Maraming puwedeng gawin. Pagtanimin ng bungang-kahoy sa gilid ng highways sa kapuluan. Ipahukay ang mga ilog na bumabaw na sa siltation. Pagtabasin ng bundok para sa mga bagong kalye’t tulay. Kung sino ang gustong magtrabaho, bigyan ng trabaho.

Hindi ito bagong ideya. Ginawa ito ni Franklin Roosevelt nu’ng dekada-30 para iahon ang US sa recession. Nang magkatrabaho lahat, umandar muli ang ekonomiya. Pumasok ang investors, nagbukas ng negosyo’t pabrika. Hindi naman naubusan ng pera ang US government. Kasi, kada gastos ng mga nagkatrabaho, nagbayad din ng buwis.
* * *
Lumiham sa Pilipino Star NGAYON o sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments