Ang Power Reform bill

Ang kontrobersiyal na Power Reform bill na pinapa-approve ni President Gloria Macapagal-Arroyo ay isa sa pinakamahalagang instrumento na nagpapakita ng agresibo at magandang leadership sa bansa. Siyempre sa ganitong isyu, maraming babatikos at kokontra.

Ang hinihiling ni GMA sa taumbayan ay isang pagkakataon na malutas ang power shortage na siguradong mangyayari. Itong Power Reform bill ni GMA ang pinaka-epektibong solusyon para hindi na mangyari ang brownout natin noong early 90s. Marami ang nagsasabi na ang Power Reform Bill ay mas makasasama kasi hindi raw ito lunas dahil magiging oil deregulation bill lang ito at ang mga oil cartel ay walang hinto sa pagtaas ng presyo ng langis. Ang hindi nila nakikita ay ang dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng langis dahil sa world oil price increase.

Unfortunately, sa ating bansa, napakataas ng presyo ng koryente hindi dahil sa world oil price, kundi dahil sa dami ng utang na hindi mabayaran. Once na maipatupad ang privatization ng Napocor, siguradong magiging mas professionalized ’yung pamamalakad ng grupo.

Ang appeal ni GMA sa TV ay dapat makita ng taumbayan na hindi pampulitika pero dapat ito ay maipakita na isang advance warning sa sambayanang Pilipino, na kung hindi natin maaaksyunan ang problemang ito, siguradong babalik ang 12-hours brownout na tulad noon. Tinatanong ng maraming tao bakit magkaka-brownout uli? Siyempre lang, kasi dumadami ang populasyon ng Pilipino. Dumadami ang mga bahay, opisina at pabrika na nangangailangan ng mas maraming koryente araw-araw para tumakbo ang operasyon ng ating bayan. Ang tutol ng iba ay ang utang na aabsorbin ng taumbayan sakaling ma-privatize. Ang rason nila ay siguradong ikakarga nila ang utang na ito sa mga consumers with interests. Ang laban ng administrasyon ay hindi sa utang ng Napocor kundi, mas importante sa taumbayan na mayroon tayong sapat na elektrisidad palagi para tuloy-tuloy ang takbo ng mga pabrika at higit sa lahat tuloy-tuloy ang trabaho at hanapbuhay ng mga Pilipino upang umasenso.

Show comments